Tuesday, November 9, 2010

SESYONISTA: ANG PAGBABALIK

Matapos ang mahigit isang buwan ay ito at nagbabalik ang inyong sesyonista. Isang buwan rin mahigit ang dumaan mula nang magkaroon ng pampublikong sesyon ang ating mga lingkod bayan. Maikli lamang ang naging sesyon nitong Lunes subalit makabuluhan sa mga bagong isyu na binuksan.

Nagbalik na mula sa ilang buwan na pahinga si Konsehal Bong Baroro. Bago rin ang kanyang haircut. Pansin rin ang ibang kulay ng buhok ni Kon. Lian Aldabe. Si Konsehal Ruth Mariano-Hernandez naman ang tumayong Presiding Officer sa sesyon na iyon. Ito ang unang pagkakataon na hindi si Vice Mayor Binoy Lajara ang nag-preside sa session ngayon. Wala namang absent nan iba pang konsehal at kita rin naman na sinusulit na rin ni SK Jayne Rizal ang kanyang mga huling sesyon sa Sangguniang Panlungsod.

Bago mag-umpisa ang sesyon ay nagkaroon muna ng kaunting kodakan kasama ang national chess winner mula sa LCBA. Lahat naman ay game sa pagpapa-picture.Lahat naman ay nagulat at tumahimik sa malakas na pagpukpok ng gavel ni Madam Presiding Officer subalit natutunan niya rin namang pumalo ng mahinahon sa mga sumunod na pagpukpok nito.

Ilang mga Memorandum of Agreement ang binasa bilang mga resolusyon nila Konsehal Eddie Catindig at Morel Manaig. Naaprubahan na rin naman sa huling pagbasa ang resolusyon ni Konsehal Moises Morales patungkol sa pagpapalagay ng mga streeltlights sa mga Upland barangays. May karagdagang suhesityon sa resolusyong ito si Kon. Johnny Lazaro na tanggapin ang mga ibibigay na solar panel mula sa isang institusyon para higit na makatipid ang lungsod sa proyektong ito.

Iisa lang na barangay resolution mula sa Brgy. Punta ang binasa ni ABC Pres. Saturnino Lajara. Ito ay isang resolusyon upang bilihin ng lungsod ang lupang gagamitin nila para sa isang proyekton ng baranggay.

Isang sulat naman mula sa mga residente ng Brgy. San Jose ang binasa ni Kon. Manaig tungkol sa pagtutol ng mga ito sa mga ginagawang imprastraktura ng DSWD sa loob ng kanilang subdibisyon. Mabilis namang itong inirekomenda sa Social Service Chair Eddie Catindig para magkaroon ng pagpapupulong. Isang pasabog naman ang banat ni Kon. Bong Baroro sa kanyang pagbabalik. Ito ay ang pagkuwestiyon sa overstay ng ating OIC-City Treasurer Liberty Toledo at sa napakalaking overtime pay ng nasabing opisyal. Napag-alaman niyang sumuweldo ng P25,000 mula Oktubre 19-27 at P27,395 mula Sept. 19-27 para lamang sa kanyang overtime. Mabigat ang mga pagdududa ni Konsehal Baroro sa OIC-City Treasurer na totoong nag-oovertime ang nasabing opisyal. Wala rin naman daw dapat overtime pay ang nasabing opisyal. Tinawag niya ang pansin ng Department of Finance ukol sa nangyayaring overstaying ni OIC Treasurer.

Si Konsehal Moises Morales naman ay nagpasa rin ng isang resolusyon para sa unang pagbasa ukol sa Resettlement Program ng Lungsod. Siya rin ang huling nagsalita sa pamamagitan ng pagpapasa sa huling pagbasa ng ordinansa sa pag-amyenda ng General Welfare Code.

Mukhang magiging exciting pa rin ang mga isyu sa ating Sangguniang Panlungsod. Sana nga lang maging masmadalas na ang kanilang public session upang makita naman ng taumbayan na ang SP ng Calamba ay hindi patulug-tulog.

Wednesday, September 29, 2010

SESYONISTA: ANG PAGPALAG NG INYONG SANDIGAN

Sa pangalawang sunod na linggo ay tanghaling tapat muli nagsimula ang naganap na regular session sa ating Sangguniang Panlungsod. Nagiging normal na kasi ang kalakaran ng pag-uusap muna ng pribado ng ating mga konsehal at Vice-Mayor bago bumaba at magkaroon ng pampublikong sesyon.

Unang nagsalita sa araw na iyon para maghain ng ilang memorandum of agreement para sa City Traffic Management Office (CTMO) si Konsehal Moises Morales. Sumunod naman ay ang mga resolusyon para sa Committee on City Planning and Zoning sa pamamagitan ng Chairman nito na si Kon. Jose Morel Manaig. Nabanggit niya rin ang isang resolusyon tungkol sa isang deed of donation para sa E. Barretto National High School. Si Kon. Johnny Lazaro naman ang nagbasa ng MOA n gating lungsod para sa mga SPED teachers. Binasa naman ni Konsehal Ruth Marian-Hernandez ang ordinansa para itaguyod ang P600 dagdag na monthly allowance sa ating mga Baranggay Health Workers. Para naman sa second reading, ang hazard pay ordinance ng ating mga beterinaryo ang binasa ni Konsehal Christian Niño Lajara.

Nagkaroon naman ng kaunting pagtatalo tungkol sa resolusyon ni Konsehal Santy Atienza. Ito ay tungkol sa guidelines and implementation of cooperatives livelihood program. Unang nagtanong si Kon. Hernandez kung may pagbabago bang ginawa sa nasabing resolusyon mula noong nagkaroon ng committee meeting. Sinundan naman ito ng kuwestiyon ni Konsehal Lajara kung bakit hindi ito ipasa bilang isang ordinansa para magkaroon ng pangil. Kinatigan ito ni Vice-Mayor at Presiding Officer Binoy Lajara at pagkatapos ay humiling siya sa isang recess upang mapag-usapan itong mabuti. Sa punto ng mag-amang Lajara, ito ay implementasyon ng isang programa kaya dapat itong gawing ordinansa. Uminit naman ang ulo ni Kon. Atienza nang tanungin siya ni Kon. Morales kung nandoon ba ang Legal Office ng tinalakay ito sa committee meeting. Pasigaw sinagot ni Kon. Atienza ang tanong at sinabing kailanman ay hindi naman dumalo ang mga nasa City Legal Office. Sa huli ay hinayaan na lamang ipasa ito bilang isang resolusyon at pag-usapan na lamang muli sa isa pang miting.

Wala namang binasang barangay resolution para sa araw na iyon ang ating ABC President Saturnino Lajara. Sinundan na agad ito ng pagbabasa ng mga sulat mula sa ating mga kababayan. Unang binasa ang kahilingan ng mga nakatira sa Villa de Calamba upang ibigay na sa kanila ang streetlights na kanilang hiling. Suhestiyon ni Kon. Morales na magpatawag ng pag-uusap sa pagitan ng mga residente at pamahalaang panlungsod para mapag-usapan ito. Sumunod naman ay binasa ni ABC Pres. Lajara ang liham ng kanyang mga kabaranggay kaugnay ng pagpapagawa sa kalsada sa Purok 5 ng Barangay Tulo.

Sa pamamagitan ng sulat ng Samahan ng Manggagawa ng Calamba City Hall ay hiniling nila na ibigay ang P35,000 incentive at 13th month pay para sa lahat ng regular, casual at job order employees. Agad naman itong ginawang resolusyon ni Kon. Morales at sinegundahan ng malakas ng lahat ng konsehal. Sa isang petisyon naman ni Konsehal Niño Lajara ay hiniling niya ang pagbibigay ng sampung Bangka sa Fisheries and Aquatic Resources Management Council mula sa fish pen fee fund. Mabilis naman ang pagsang-ayon ng Appropriation Chairman Morales dito at hiniling pang gawing 25 bangka ang ibigay para magamit rin sa panahon ng baha ng ating mga kababayan.

Binasa naman ni Konsehal Johnny Lazaro ang pagkilala sa Most Courteous and Polite employee n gating pamahalaang panlungsod kaugnay ng pagdiriwang ng Civil Service Commission ng kanilang ika-110 taong anibersaryo. Pinuna rin ni Kon. Morales na masyado ng puno ang ating public cemetery at nagpanukala para sa paglalagay ng expansion nito kung saan gagawin itong moderno. Halimbawa niya ang ginawa ng Mandaluyong City sa kanilang public cemetery. Binigyang-pugay niya rin ang serbisyo publiko na ginagawaa ni Konsehal Eddie Catindig para sa ating mga kababayang nawawalan ng mahal sa buhay. Isang sulat naman mula kay Atty. Rodolfo Elepaño ang binasa ni Kon. Lajara na patungkol sa usaping trapiko at jaywalking sa Crossing Area. Isang committee hearing ang ipapatawag ng Chairman ng Transportation and Utilities para tugunan ang mga suhestiyon ng kababayan nating ito.

Mainit ring pinag-usapan ang budget sa edukasyon nang basahin ni Kon. Lian Aldabe ang sulat ng Palao Daycare Center upang isaayos ang pasilidad ng kanilang paaralan.Mabilis ang pagharang ni Kon. Morales dito at tinanong sa Committee on Education Chairman kung nasaan ang daang milyong pondo para sa edukasyon. Sinabi niya ring dapat ayusin ang paggastos sa nasabing pondo dahil ang edukasyon ang pundasyon ng mga kabataan. Mabilis naman ang pagpapaliwanag ni Kon. Ladabe kasama ni Kon. Hernandez at sinabing ang mga Day Care Center ay nasa ilalim ng Social Services subalit sang-ayon rin sila sa binuksang punto ni Kon. Morales. Binuksan rin ni Kon. Morales sa kanyang committee report ang nangyaring pag-uusap para sa barangay resolution ng Brgy. Siranglupa at Canlubang para sa pagbili ng right of way nang kanilang access road. Napagkasunduan na magkaroon ng win-win situation ang magkabilang panig tungkol sa bagay na ito.

Sa pamamagitan ng privileged speech ni Konsehal Niño Lajara ay binuksan niya ang nangyayaring intimidasyon at banta sa kaniyang mga kasamang brodkaster sa radio program na Sandigan Calambeño. Ito ay matapos magpadala ng sulat si Mayor Jun Chipeco sa brodkaster sa RN 106.3 FM ukol sa naganap na interview kay Dr. Severino Vergara ukol sa P26-M Scam. Nakiusap siya na huwag pag-initan ang kanyang mga tauhan, partikular sa Sandigan News Team, dahil ginagawa lamang ng mga ito ang kanilang mga trabaho. Kinuwestiyon ni Mayor Chipeco ang hindi balanseng pagbabalita sa nasabing programa subalit binigyang pagkakataon namang sumagot ang pununglunsod sa ginawang panayam sa City Legal Counsel Atty. Alonzo. Binasa niya rin ang ipinadala nilang sulat sa Office of the City Mayor na noong pang Septyembre 15.

Maraming mga tanong ang nakalitaw maging sa ating mga konsehal kung paano ginagastos ang pondo n gating lungsod at maging ssa sariling nilang diskresyon sa pagpasa ng batas. Mas maraming tanong naman ang bumabalot sa mga isyu sa pananaw ng mga mamamayan. Kung hahayaang masikil ang malayang pamamahayag ng media ay lalo nang hindi makaraating sa taumbayan ang punto de bista ng magkakaibang panig. Karapatan ng mamamayan na malaman ang katotohanan sa likod ng mga isyu. Hayaan nating gawin ng media ang kanilang trabaho at hayaan nating itama ng mga opisyal ng pamahalaang panlungsod ang anumang puno ng mga tao.

Tuesday, September 21, 2010

SESYONISTA: Ang Hindi Maramdamang City Legal Office

Ilang linggo rin ang lumipas na wala tayong update sa session ng Sangguniang Panlungsod. Subalit ngayong nakaraan Lunes, huli man nag-umpisa ay binuksan pa rin sa publiko ang sesyon.

Bumungad ang resolusyon ni Kon. Lian Aldabe para sa akreditasyon ng ilang mga grupo at kooperatiba sa ating lungsod. Binasa rin ang resolusyon para sa pagtatalaga ng pangalawang special counsel ni Mayor Jun Chipeco sa pamamagitan ni Kon. Johnny Lazaro. Sa magkahiwalay na resolusyon naman ni. Kon. Lazaro ay itinalaga ang magiging OIC ng Traffic Bureau at ang magiging Head ng Solid Waste Management Department. Ilang mga land conversion resolutions and ordinances naman ang inihain ng Chairman ng City Planning and Zoning Jose Morel Manaig. Dagdag pa rito ang pag-issue ng permit para sa isang pansamantalang slaughter house sa Brgy. Real.

Ipinasok naman ni Kon. Moises Morales ang pagpapalagay ng mga streetlights sa mga barangay ng Tulo, Makiling at Turbina. Wala ring mga inihapag na barangay resolutions si ABC President Saturnino lajara subalit maraming sulat ang nakarating sa ating mga konsehal na nagbunga sa iba’t ibang resolusyon, ordinansa at rekomendasyon.

Unang binasa ay isang liham na nagmula sa Regional Trial court ng ating lungsod. Sila ay humiling sa ating pununglunsod at mga miyembro ng SP para sa panibagong tatlong aircon sa kanilang court room. Dahil may sakit si Kon. Bong Baroro ay si Kon. Christian Nino Lajara ang nagbasa ng sulat para naman sa aplikasyon ng bagong lisensya sa isang bagong E-Games Station sa ating lungsod. Kasama sa sulat ang pagsigurado na aprubado ng PAGCOR ang nasabing recreational spot. Isang sulat na nagmula naman sa dating Brgy. Secretary Manuel Cosico ng Canlubang ang iniulat ni ABC Pres. Lajara. Ito ay patungkol sa halos P500,000 benepisyo na hindi naibibigay sa kanya. Siya ay nagilbi ng 15 taon sa nasabing barangay at ngayon ay mayroon nang mga karamdaman na dapat tugunan ng gamot. Ang suhestiyon dito ni ABC Pres. Lajara ay dalhin ang nasabing hinaing agaran sa DILG Office na pinamumunuan ni Rosseler Rizal. Suhestiyon naman ni Kon. Morales na pagsamasamahin na ang lahat ng mga reklamo ng mga dating nagsilbi sa mga barangay upang isang bagsakan na lang at hindi na pauli-uli.

Isang ordinansa naman sa pamamagitan ng suspension of the rule ang binasa ni Kon. Morales patungkol sa healthcare service para sa mga empleyado at kawani ng Sanggunian Panlungsod. Dagdag rito ni Konsehal Niño Lajara ay ang pagbibigay ng hazard pay sa mga beterenaryo ng lungsod. Sinabi ni Kon. Ruth Hernandez na magiging maganda kung mapag-usapan ang mismong gagastusin ng lungsod sa programang ito sa pamamagitan ng isang committee hearing.

Maganda naman ang binasang committee report at recommendation ni Konsehala Hernandez patungkol sa lumalalang sitwasyon ng dengue sa ating lungsod. Sinabi niyang nakakaalarama ang sobrang pagtaas ng dengue, partikular sa mga barangay ng Mapagong, Canlubang at Parian. Nagbanggit siya ng bagong alternatibong panlaban sa dengue stings. Dagdag pa rito ay ang ginagawa ng larvicide o pagpuksa sa mga kiti-kiti at fogging sa ilang mga lugar. Sinabi niya rin mula sa isang sulat ng City Health Office na ang hindi pag-secure ng environmental certificate ng ilang mga establisyemento ay dahilan rin kung bakit kalat ang sakit na ito ngayon.

Inilatag na rin ni Kon. Niño Lajara para sahuling pagbasa ang prangkisa para sa ginagawang Canlubang Terminal Exchange. Kasama sa nasabing ordinansa na mapapailalim sa regulasyon ng Sangguniang Panlungsod ang nasabing terminal.

Mainit naman at makabuluhan ang paggamit ni Kon. Moises Morales sa privilege hour. Binuksan niya ang pagsasawalambahala ng City Legal Officer sa mga importanteng committee hearing ng Sangguniang Panlungsod. Binigay niyang halimbawa ay ang hearing tungkol sa pagguho ng pader sa Brgy. Turbina at ang ipapagawang access road ng Filinvest Coroporation. Sinabi niyang higit na kailangan ng mga legal advise sa mga ganitong usapin. Binanggit niya rin na saying ang pinapasweldo at mga bonuses, gaya ng gasoline allowance at food allowance, ng mga abogado ng City Legal Office dahil nakaabot sa kanya na madalas ay hindi naman pumapasok ang mga ito. Hirit pa niya na non-functioning na raw marahil ang nasabing opisina dahil mismong ang Mayor Jun CHipeco ay kumuha na ng kanyang mga sariling special legal counsel.

Pinangalawahan ito ni Kon. Johnny Lazaro at sinabing nararapat nang magkaroon ng sariling legal consultants ang Sangguniang Panlungsod. Malinaw niya ring idagdag na sa budget na lang niya kuhanin ang mga suweldo sa mga ito kung hindi ito kayang tugunan. Sumang-ayon ang lahat ng konsehal sa panukalang ito, partikular sina Kon. Hernandez at Lajara na sinabing kailangan pa nito ng mga research upang hindi magkaroon ng mga legal na paglabag.

Maganda, suwabe at mabilis ang nangyaring session. Ang maganda rito ay nabuksan mismo ng ating mga konsehal ang mismong hinaing nila sa isang departamentong dapat naglilingkod subalit wala nman palang nagagawa. Maraming alternatibo pero hindi maaalis sa isip ng mamamayan na nasasayang ang salaping dapat sana ay napunta na lamang sa proyektong higit na makaktulong sa kanila. Mabuti na rin ang ganito na sila na mismong mga nasa loob ng ating sintang pamahalaan ang nagpupunahan at gumagawa ng paraan. Maganda na ang ganito kaysa hintayin na naman nilang mga mamamayan ang pumuna sa kanila.

Monday, August 23, 2010

SESYONISTA: Katahimikan at Pagpupugay

Tahimik at wala masyadong pagtatalo ang naganap sa latest session ng ating Sangguniang Panlungsod. Mula nang buksan ang bagong Sp ay ngayon ko lang nakita na wala masyadong pagtatalo sa pagitan ng mga konsehal. Ang maririnig ay pulos pagsang-ayon laman sa bawat isa na hindi katulad nang nangyari noong nakaraang linggo.

Iba’t ibang Memorandum of Agreement ang inihapag bilang resolusyon ng ating mga konsehal ng lungsod na sila Konsehal Ruth Mariano-Hernandez, Kon. Eddie Catindig at Kon. Santy Atienza. Binuksan na rin ni konsehal Moises Morales ang usapin tungkol sa pagpapatayo ng Calamba City Central Coliseum, na magiging sentrong palaruan ng mga atletang Calambeño. Nilapag na rin sa pangalawang pagbasa ang mga resolusyon ni Kon. Johnny Lazaro tungkol sa mga appointments ng tauhan ng ating mayor para sa iba’t ibang departamento.

Mahalagang ordinansa rin ang ipinasa sa unang pagbasa ni Konsehal Bong Baroro, co-authored nila Kon. Morel Manaig at ABC. President Saturnino Lajara. Ito ay tungkol sa pagtatanim ng mga estudyante sa lungsod ng Calamba sa kani-kanilang mga paaralan. Ito ay direktang makakatulong sa pagpapaganda ng ating kalikasan at mabibigyan rin ang mga kabataang Calambeño na mamulat nang maaga sa pagtulong sa Inang Kalikasan. Nagpasa rin ng ordinansa si Kon. Santy Atienza tungkol sa Livelihood and Cooperative Program ng lungsod.

May mga barangay resolutions rin na binasa si ABC Pres. Lajara na nagmula sa Brgy. Lamesa at Brgy. Bagong Kalsada. Maganda ang ipinasa nang Sangguniang barangay ng Lamesa na patungkol sa paghingi ng kopya ng Real Property Tax ng kanilang barangay sa ating City Assessor’s Office. Ito ay sa dahilang kinukuha sa real property Tax ang kalakhan ng budget ng isang barangay. Ang resolusyong ito ay makakatulong para sa pagpaplano ng mga proyekto at pagbabadyet sa mga barangay. Binigyang pansin rin ni ABC Pres. Lajara ang matagal nang nabinbin na pagpapatayo ng court sa Brgy. Turbina.

Marami ring resolusyon ang binasa ni ABC President Turne Lajara, partikular nagmula sa Kapulungan ng Liga ng mga Baranggay. Ang pagtalakay tungkol sa pagbibigay ng P500 monthly allowance sa Lupong Tagapamayapa at pagdagdag sa suweldo ng mga barangay tanod ang hiniling ng ating mga kapitan sa ating Sangguniang Panglunsod. Nagbasa rin ng dalawang barangay resolution si Kon. Hernandez na parehong nagmula sa Liga ng mga Barangay. Una rito ay ang pagbibigay ng libreng bakuna sa lahat ng frotliners ng barangay, kabilang ang SB, Brgy. Health Workers, Lupong Tagapamayapa at Baranggay Tanod. Ang huli naman ay ang kahilingan ng mga barangay na ibigay ng ating pununglunsod ang pondo para makabili ng mga syringe at vaccine ang bawat barangay. Ito ay upang masigurado ang kalusugan ng mga kababayan natin dito sa Calamba.

Si Kon. Morales ang nagbukas patungkol sa pagpanaw ng dating ABC President Diosdado J. Lajara, kapatid ng Vice Mayor Binoy Lajara. Inilahad niya muna ang panahong ginugol ng yumaong kasamahan bago ipasa ang isang resolusyon ng pagkilala, pagpupugay at pakikiramay sa pamilya ng pumanaw na dating miyembro n gating Sangguniang Panlungsod. Malugod naman itong tinanggap ng Presiding Officer Severino Lajara.

Sumunod na nagsalita si Konsehala Lian Aldabe nang basahin niya ang isang DILG Circular Memo. Unang beses kong marinig ang tinig ng konsehal nating ito sa loob ng sesyon. Matapos basahin ang ilang parte ng nasabing Memo ay ipinasa niya bilang resolusyon ang accreditation ng Pamahalaang Panlungsod sa mga people’s organization at mga NGOs. Si Konsehal Christian Niño Lajara ang nagbasa ng isang liham mula sa mga job order workers ng City Government of Calamba. Inilahad ng mga JO workers ang paghiling para ibigay ang dalawang buwang suweldo at midyear bonus na pawing hindi naibigay. May lagda ng mahigit 80 JO workers ang nasabing liham. Isang en banc meeting ang hiniling ni Kon. Lajara para tugunan ang nasabing problema. Binuksan rin ni Kon. Hernandez ang nangyaring pagbawas ng suweldo ng mga JO workers noong nakaraang buwan. Dito niya nilinaw na sa susunod na araw ng suweldo ay ibabalik na sa P6000 ang sahod ula sa P5000. Ito ay naging resulta ng pag-uusap ng komite ng nasabing konsehal. Binanggit niya rin na maaaring itaas pa ang suweldo ng mga JO workers sa susunod na taon sa pamamagitan ng isang resolusyon mula kay Kon. Moises Morales. Habol rin ni Kon. Santy Atienza ang suweldo at overtime pay para sa mga opisyal na driver ng bawat konsehal. Mukhang magiging maligaya ang mga empleyado ng ating city hall sa mabuting balitang ito.

Binigyang pansin din ni Kon. Morales ang pagtatayo ng isang Special Legal Council ng SP upang tugunan ang mga usaping legal sa mga pinapasang resolusyon at ordinansa. Ito ay sa dahilang hindi madalas makaharap ang mga abogado mula sa City Legal Office kapag may mga committee hearings at meeting. Sinabi ni Kon. Lajara na ipasa na agad ito bilang resolusyon dahil lubos talagang kailangan ito ng buong SP. Ibinalita rin ni Kon. Niño Lajara sa kanyang committee report na isang SM HYPERMART lamang at hindi SM City ang napagkasunduang itayo ng nasabing pribadong kompanya batay sa ginawang meeting ng Committee on Franchise.

Naging maganda ang takbo ng pag-uusap sa sesyon ngayong linggong ito. Sana naman magtuluy-tuloy ito hanggang sa mga susunod na linggo. Sana matigil muna ang girian at pamumulitika. Kailangan ng bayan ay pagtulong at pagkalinga.

Tuesday, August 17, 2010

SESYONISTA: May Tumitinding Banggaan

Napapadalas talaga ang banggaan ng mga punto sa regular session ng Sangguniang Panlungsod ng Calamba. Ilang lingo na rin mapapansin na nagkakaroroon na ng regular na tagisan sa salita ang ilan nating konsehal.
Wala naman masyadong pagtatalo sa pagitan ng ating mga konsehal sa mga ipinasok na mga resolusyon sa Lunes na ito. Ang pagpasok sa magkakaibang Memorandum of Agreement sa pagitan ng siyudad at ng mga pribadong institusyon ang binasa nila Konsehal Moises Morales at Santy Atienza. Marami ring pinagtibay na mga appointments na binasa naman ni Konsehal Johnny Lazaro. Halos lahat ay mga consultants ng ating Mayor sa iba’t ibang departamento. Inilagay rin muli si Dr. Aliw Aldea bilang Presidente ng City College of Calamba. Ipinasok na rin bilang resolusyon ang pag-adapt sa Executive-Legislative Agenda na si Kon. Morales ang tumayong proponent. Ang operation ng isang temporary slaughter house ang binukas rin bilang resolusyon ni Konsehal Jose Morel Manaig na pinangalawahan ng karamihan.
Si ABC President Saturnino Lajara muli ang nagbasa ng mga baranggay resolutions ngayong linggo. Ang una ay mula sa Brgy. Kay-anlog. Ito ay ang kanilang kahilingan para sa mga trak na panambak. Patuloy na lubak-lubak ang kalsada patungo sa nasabing lugar. Pangunahin nilang hangad ay makatulong sa mga estudyante sa kanilang lugar na lubos nahihirapan ng sitwasyon sa kanilang mga kalsada. Ang Brgy. Paciano Rizal naman ay magpapatupad ng ordinansa patungkol sa trapiko na nagbabawal sa mga trak na dumaan sa National Highway nang nasabing baranggay mula alas-9 ng umaga hanggang ika-pito ng gabi. May dalawang resolusyon din ang binasa na nagmula naman sa Brgy. Pansol.
Naging tahimik sa umpisa ang pagbabasa ng mga sulat at pagbibigay ng mga rekomendasyon. Inumpisahan nila Konsehal Bong Baroro na binasa ang sulat mula sa Brgy. 4 at nila Konsehal Niño Lajara at Moises Morales na nagmula naman sa Bureau of Fire Protection. Sa pamamagitan rin ni Kon. Niño Lajara ay nakapagsalita sa sesyon ang pangulo ng isang NGO upang mag-imbita sa kanilang gaganaping kumbensyon.
Sa rekomedasyon ni Konsehala Ruth Mariano-Hernandez ay in-address niya sa sekretarya ng SP ang agarang pagbibigay ng sulat sa ating punung lunsod upang i-convene ang City Health Board. Ito ay kailangan daw madaliin na para makapagplano na ang nasabing board bago pa bumigat ang mga suliranin sa kalusugan ng mamamayan. Iba naman ang ginawang paraan ni Kon. Morales patungkol sa kanyang suhestyon ng pag-convene sa City Development Board. Ipinasa niya ito bilang isang resolusyon upang maging masmatibay at may pangil. Dito nag-umpisa ang pagpapalit ng mga salita ng dalawang konsehal. Kinuwestyon ni Konsehal Hernandez ang hakbang na ito ni Kon. Morales dahil sakop daw ng executive power ang mga Board na ito, ayon sa Local Government Code. Sagot naman dito ni Kon. Morales na sa panahon ng kanyang panunungkulan noong 2004-2007 ay hindi naging epektibo ang pagsulat lamang sa ating mayor at nasasayang lamang ang budget na nakalaan sa mga body na ito. Dinagdag pa niya na dapat itong aksyunan agad at huwag nang pag-antayin ang taumbayan. Sa huli, pinayagan na rin ng Presiding Officer Binoy Lajara ang mga hakbang na ginawa ng mga nasabing konsehal. Abangan natin kung sino ang mauuna sa kanila.

Mahaba rin ang nagging pagtatalo sa ibinahaging committee report ni Konsehal Eddie Catindig. Una niyang ipinaalam ang naganap na ocular inspection ng mga konsehal sa mga residente sa tabing –riles ng Parian at sa Housing Project ng national government ng mga ito sa Brgy. Kay-anlog. Nagbaba rin siya ng mga rekomendasyon bago tuluyang palipatin ang mga tao roon. Binanggit rin niya ang muling pagbuhay sa kanyang proyektong “Serbisyo Publiko: Alay sa Kapwa” na kilala sa pagtulong sa mga yumayao nating kababayan. Binuksan niya dito ang hirap ng proseso sa pagkuha ng burial assistance ng ating mga kababayan, partikular ang mga indigent residents. Sinang-ayunan rin ito ni Konsehala Hernandez at hiniling niya kay Kon. Catindig ang pagrebyu ng ordinansa ukol rito na naipasa na noon pang nakaraang administrasyon. Ang mga ordinansa ay ang Free Funeral Service at Burial Assistance. Sa Burial Assistance ay halaga P8000 ang maaring matanggap ng ating mga kababayan. Ang Free Funeral Service naman ay ibinibigay lamang sa mga indigent citizen. Idinagdag naman ni Kon. Atienza na hindi naman talaga dapat igiit ang burial assistance dahil para lamang ito sa mga piling mamamayan.

SInabi naman ni Kon. Morales na dapat ibigay sa ating mamamayan ang para sa kanila kaya kung maaari lamang ay gagawin niyang P20,000 ang burial assistance para sa lahat ng mamamayan ng Calamba. Subalit tinawanan lamang ito ng mga kasama niya dahil maganda man ito ay lubhang imposible naman mapatupad. Umigting pa ang pagtatalo ng mga konsehal tungkol ditto kaya humiling na ng point of order sina Konsehal Bong Baroro at ABC Pres. Turne Lajara para matapos na ang usapin.

Ipinasa na rin sa huling mga pagbasa ang ordinansa sa regulasyon ng plastik at styrofoam sa lungsod na ipinasa ni Kon. Baroro. Gayundinman, iginawad na rin ang pahintulot ni Kon. Morales para sa pagpapatayo ng residential houses nh natalong gubernatorial candidate Dennis Lazaro sa loob ng ating lungsod.

Si Konsehal Christian Niño Lajara naman ang muling nagsalita sa privilege hour. Binuksan niya ang usapin sa kahalagahan ng pagkuha ng prangkisa ng SM sa ating lungsod. Binanggit niya rin na ang prangkisa ay isang pribilehiyo sa ating mga mamamayan. Binigyang diin niya dapat sundin ng nasabing establisyemento ang mga alituntuning napapaloob sa Franchise Ordinance ng lungsod. Halimbawa niya ang mga kaso mula sa Quezon City at Makati City kung saan paborable sa lungsod ang mga husga.

Sa higit isang buwan kong pagsubaybay ng regular na sesyon, nakita ko na ang mga nabubuong hidwaan pampulitika sa ilan nating konsehal. Napakaaga pa para sabihin subalit hindi maalis sa isip ko kung paano nagkakakulay eleksyon na agad ang mga sagutang ito sa ating sesyon. Hayaan na lamang muna natin silang ipagpatuloy ang bangayan pero sana naman huwag nilang kalimutan na hindi lang doon dapat matapos ang lahat. Sabi nga ng mga matatanda na walang saysay ang salita kung kulang din naman sa gawa. Sa finale naman, makikita rin nating kung saan sila titindig, para ba sa mamamayan ng Calamba o para sa sariling interes lamang.

Thursday, August 12, 2010

SESYONISTA: Mga Bagong Isyu- Sakit at Mall (SM)

Samu’t saring isyu pa ang kasalukuyang hinaharap pa rin ng ating lungsod subalit ito na naman at may mga bagong nagbubukas na usapin na dapat linawin. Ating baybayin ang nangyari regular session nitong Lunes.

Naunang binasa at inaprubahan ang ilang mga ordinansa at resolusyon. Isa dito ang pagpasa sa huling pagbasa ng Internal Rules and Guidelines ng Sangguniang Panlungsod sa pamamagitan ni Konsehal Ruth Hernandez. Binasa rin ang mga ordinansa at resolusyong panukala ni Konsehal Moises Morales na patungkol sa budget at mga reflectorize traffic signs. Si Konsehal Jose Morel-Manaig naman ang nagbasa ng ordinansa sa pagtatalaga kay dating Konsehal Dennis Lanzanas bilang pinuno ng CPDO. Malugod namang tinanggap ng mga konsehal ang bagong ordinansang inihain ni Konsehal Bong Baroro, tagapangulo ng Komite sa Kalikasan, na tungkol sa regulasyon ng paggamit ng mga plastic bag at Styrofoam sa ating lungsod. Mukhang magiging masmalinis ang ating lungsod kapag natuloy ang ordinansang ito, katulad ng nangyari sa Bayan ng Los Baños.

Hindi naman nakarating sa sesyon ang ABC President Saturnino Lajara kaya karamihan ng resolusyon ay si Konsehal Morales at Johnny Lazaro ang nagbasa. Inulan ang araw na iyon ng napakaraming baranggay resolutions. Una diyan ay ang request ng Brgy. Halang para sa isang backhoe. Ang Brgy. Pansol naman ay humiling ng pagpapasemento ng isa sa pangunahing kalsada sa kanilang baranggay at pagsasaayos ng mga drainage sa kanilang lugar. Makakatulong ito upang maibsan ang nangyayaring trapiko sa baranggay lalo na sa panahon ng bakasyon. Humiling din ang Brgy. Laguerta para magkaroon sila ng isang Multipurpose Covered Shed. Usaping trapiko rin ang naging concern ng Sangguniang Baranggay ng Halang para ipasa ang resolusyon nila nang pagbabawal sa pagtatayo ng terminal sa kanilang lugar.

Pinakapumukaw sa akin ang resolusyon mula sa Brgy. 3 na patungkol sa kahilingan ng mga magulang at estudyante sa kanilang Day Care Center. Ito ay ang pagpapabalik ng guro nila ritong si Luningning Mapala. Ito ay dahil ang mga magulang ay labis na pinagkakatiwalaan ang guro para alagaan ang kanilang mga anak. Isang magandang hakbang ito mula sa isang baranggay para dinggin ang tunay na kahilingan ng kanilang nasasakupan. Agarang iniutos ni Vice Mayor Binoy Lajara na ipasa agad ang usapin sa sangay ehekutibo dahil sakop ang mga day care centers ng DSWD.

Marami muling binasang mga petitions, letters and communications. Isang Letter of Intent mula sa isang pribadong security company ang binasa ni Konsehal Baroro. Si Konsehal Christian Niño Lajara naman ang nagbasa ng isang imbitasyon mula sa Development Academy of the Philippines para dumalo sa isang convention sa Cebu. Mabilis ang pagpayag ng kanyang mga kapwa kasama dito, maging ng Presiding Officer. Binasa naman ni Konsehala Hernandez ang sulat na pirmado ng lahat ng Personal Secretary ng mga konsehal. Ito ay tungkol sa isyu ng maling oras ng kanilang sahod. Binanggit sa sulat ang mga hinaing ng mga PS ng Sangguniang Panlungsod. Humiling naman ng suspension of the rule si Konsehal Morales para ipasa bilang resolusyon ang Executive-Legislative Agenda ng Pamahalaang Panlungsod. Pinangalawahan ito ni Konsehal Niño Lajara subalit sinabi niyang dapat ipasa ito bilang isang ordinansa dahil ito ang plano ng bawat isang konsehal, katuwang ang sangay ehekutibo, sa loob ng tatlong taon nilang termino. Higit nga naming magkakaroon ng ngipin ang nasabing ELA kung isa itong ordinansa dahil ito na ang pangako nila sa mamamayan at ito ang kanilang mga priority projects.

Iilan lamang ang narinig na Committee Reports subalit naging malalim at masusi ang nagging reaksyon ng mga miyembro ng sanggunian ukol rito. Una ay mula kay Konsehal Baroro patungkol sa nangyaring serye ng meeting tungkol sa usapin ng pagbaha sa ating lungsod. Humiling siya na gamitin ang emergency fund ng lungsod upang linisin ang ating mga drainage bilang immediate action ngayong panahon ng tag-ulan. Hindi naman agad ito sinang-ayunan ng Presiding Officer dahil dapat kasama na raw ito sa ating Development Plan. Ang nasabing panukala ni Konsehal Baroro ay pag-aaksaya rin daw ng pera ng taumbayan dahil maaaring bukas matapos ang paglilinis sa nasabing drainage ay barado na ulit ito. Simple lang naman ang nais niyang iparating, maging wais sa paggamit ng kaban ng bayan. Binuksan naman ni Konsehal Morales na i-reclassify na lang ang mga Job Order Workers ng City Hall bilang mga casual employees kung saan makakatanggap ang mga nasabing kawani ng mga dagdag benepisyo.

Bagong isyu ang nabuksan sa report ni Konsehala Hernandez sa Committee on Health and Sanitation. Ito ay tungkol sa mga kaso ng dengue sa ating lungsod. Inilabas niya ang datos ng mga suspected at probable cases ng dengue sa 38 baranggay at mapapansing mataas na ang kaso sa ilang lugar gaya ng Parian. Sinabi niya ring hindi rekomendado ng Health Department ang fogging at fumigation dahil para lang iyon sa mga lugar na laganap o may outbreak na ng sakit. Sinabi niya rin na hawak na ng Pamahalaang Panlungsod ang 54 bag na larvicide na masmagiging epektibo upang puksain ang mga pinanggagalingan ng lamok sa ating mga lugar. Naging mainit ang pagtatalo ng sagutin ito ni Konsehal Morales at luminya pa siya ng, “Aanhin pa ang gamot kung patay na ang kabayo.” Sinabi niyang dapat magtrabaho ng mahusay ang komite para hindi lumaganap ang sakit na ito sa ating lungsod. Mabilis namang nilinaw ito ni Konsehala Hernandez na nakagawa na ng rekomendasyon ang City Health Office at inulit niya rin ang mga nauna niya nang nabanggit pang mga aksyon.

Hindi pa man natatapos ang SM City Calamba ay pinuna na agad ito ng Committee on Franchise, Transportation and Utilities Chairman Christian Niño Lajara. Sinasabi niyang sa mga naganap na pag-uusap kasama ang SM ay malinaw nitong binanggit na isang SM Hypermarket lamang ang itatayo subalit nagulat na lamang siya ng malaking mall na ang itinayo ng SM. Sinabi niyang maaaring labagin nito ang City Franchise Ordinance dahil ang lokal na mamamayan ang dapat pangunahing tulungan sa ilalim ng nasabing ordinansa. Maaapektuhan rin nito ang priority project ng pamahalaan na Public Market dahil magiging direktang kakompetensya ito ng SM. Iniwan niya ang tanong sa nasabing kompanya kung ano ang magiging pananagutan ng mga ito sa mga lokal na negosyante. Pinartikular niyang halimbawa ang ating Maya Bookstore na maaaring tuluyang malugi sa pagtatayo ng SM.

Sinegundahan naman agad ito ni Konsehal Morales at idinagdag na magiging pabigat sa trapiko ang nasabing establisyemento dahil ito ay nasa sentro ng negosyo. Magiging masmahusay sana at magiging masaya ang lahat kung sa ibang lugar na lamang ito itinayo katulad ng Baranggay Turbina o Canlubang. Naglatag rin siya ng mga punto gaya ng job priority sa mga Calambeño, priyoridad na mga residente ng Calamba ang maging concessionaires at stall owners dito, paglaban sa business monopoly, pagsuplay ng produkto ng ating mga magsasaka at mangingisda sa kanilang pamilihan, at pagpondo upang magkaroon ng isang road network na gagamot sa suliraning trapiko. Tinapos ni Vice Mayor Lajara sa agarang pagkakaroon ng meeting kasama ang matataas na opisyales ng SM upang matugunan at maging malinaw ang usapin.

Maraming usapin ang hindi pa rin naaayos at nalilinaw ngunit kasabay ng panahon ay ang pagsulpot at pagkakadiskubre ng iba pang mga suliranin. Hamon sa ating mga kasama sa Sangguniang Panlungsod ang mabilisang solusyon sa mga nasabing problema. Isang solusyon na hindi lamang iilan ang makikinabang kundi isang solusyon na tayong mga mamamayan ng Calamba ang lubos na makikinabang.

Monday, August 2, 2010

SESYONISTA: ANG PAGSAGOT AY MAY TAMANG PANAHON RIN

Mahaba at maingay ang nangyaring sesyon nagyong linggo dito sa Sangguniang Panlungsod ng Calamba. Hindi matatawaran ang mga isyung inihapag ng kapulungan nitong Lunes. May mga isyung magaan na sana pero pinabibigat pa ng ilan nating konsehal. All present ang buong SP kahit na medyo nahuli ng dating sina Konsehala Lian Aldabe at SK Jayne Rizal ay nakahabol pa rin para sa mahahalagang usapin.

Ilang resolusyon ang pinaumpisahan at inihapag sa first reading nila Konsehal Moises Morales at Konsehal Jose Morel Manaig. Sinundan nito ang second reading ng resolusyon ni Konsehal Christian Niño Lajara tungkol sa extension ng kontrata sa canteen concessionaire ng City Hall. Binara naman ito ni Konsehal Morales at hinihingi na huwag munang aprubahan ito kahit napangalawahan na ng mayorya ng kapulungan. Noong nakaraang sesyon, isa siya, kasama si Konsehal Juan Lazaro, sa nagsecond motion sa nasabing resolution. Sa huli, tumahimik na lang siya pansumandali at nakinig sa mga sumunod na nagsalita. Binasa rin para sa second reading ang ma appointments na inihapag ni Konsehal Johnny Lazaro noong nakaraang Linggo.

May tatlong baranggay resolution naman na binasa ang ABC President Saturnino Lajara para sa sesyong ito. Ito ay nagmula sa Baranggay kay-anlog, Baranggay 4 at Baranggay Real. Sumabat muli si Konsehal Morales at sinabi kay ABC President Lajara na dapat raw na ang lahat ng signatories ng mga nasabing resolusyon ay umatend ng session para makitan nilang umaaksyon ang Sangguniang Panlungsod sa mga kahilingan nila. Malinaw namang sinagot ito ni ABC Pres. Lajara na dumaan na sa mga paliwanag ng mga baranggay. Sinabi niya rin na may kakayahan namang talagang ipatawag ng Sangguniang Panlungsod ang mga opisyal ng baranggay.

Mahaba rin ang naging pag-uusap sa bahagi ng pagbabasa ng mga petitions, letters and communications. Binuksan ni Kon. Luis Vergel Baroro ang hinaing ng Pansol Tourism Council sa pagbaha sa kanilang mga lugar. Binasa niya rin ang sulat ng City Environment and Natural Resources Office tungkol sa pagtatayo ng Pollution Monitoring Center sa ating lungsod.

Unang beses ko ring narinig magbigay ng isang petisyon at pagpuna ang SK President Jayne Rizal. Una niyang binanggit ang matagal ng hinaing ng mga nasa Women’s Desk Officer ng baranggay at mga SK Councilors ng ating mga baranggay para sa P500 monthly allowance nila. Mabilis naman itong sinagot ni Konsehal Ruth Hernandez. Sinabi niyang aprubado na talaga ang pondo para sa mga Women’s Desk Officer na nakailalin sa Gender and Development Fund. Pumabor din siya kay SK jayne Rizal na hingiin na rin sa sangay ng ehekutibo ang budget para sa mga SK Councilors. Inirekomenda ng Presiding Officer Severino Lajara ang nasabing usapin sa Chairman ng Appropriations.

Binuksan din ni SK Jayne Rizal ang tunkol sa Memorandum of Agreement ng ating lungsod sa National Food Authority. Binigyang-diin niya dapat hindi na hintayin pa ang pagdedeklara ng State of Calamity o ng State of Eminent Danger bago kumuha ng bigas sa nasabing ahensya. Kinontra pa rin ito ni Kon. Morales at sinabing ayon sa MOA sa NFA ay hindi makapagbibigay ng bigas ang ahensya ng walang kalamidad na nangyayari sa sesyon. Nakahanap naman agad ng kakampi ang SK President sa katauhan nila Kon. Bong Baroro at Niño Lajara. Sinabi ni Kon. Baroro na hindi naman kailangang na calamity fund lang ang gamitin kung mag-iimbak ng bigas. Maaaring humingi ng budget sa City Mayor’s Office kung kinakailangan.

Kasabay ng sesyon ay ang kilos-protestang inilulunsad ng ilang jeepney drivers at operators sa pangunguna ng PISTON sa main entrance ng city hall. Ito ay kaugnay ng nangyayaring kurapsyon ng mga tiwaling traffic enforcers at tungkol sa mga iligal na terminal sa siyudad. Si Konsehal Niño Lajara ang nagbasa ng kanilang sulat. Nakalagay sa sulat ang mga nangyayaring mga pekeng hulihan upang makakuha ng pera ang mga “barker” at ilang mga traffic enforcer, partikular sa lugar ng Crossing. Ginagawa raw na gatasan ng mga tiwaling opisyal ang mga jeepney drivers. Hinihiling ng mga drivers at operators na magkaroon ng makataong patakaran sa ating mga daanan. Nilinaw rin ni Kon. Lajara na tanging ang Kalayaan Multi-Prurpose Cooperative Terminal sa Crossing ang tanging legal na terminal ng mga jeepney sa buong Calamba. Humihiling ang konsehal ng malinaw na imbestigasyon ng Sangguniang panlungsod tungkol dito.

Sumang-ayon sa kanya si Kon. Baroro at sinabing magkaroon ng isang emergency meeting sa pangunguna ng Chairman ng Franchising na si Kon. Lajara pagkatapos ng sesyon. Malinaw rin daw na mayroong mga nasa kapangyarihan ang pumoprotekta sa mga iligal na terminal na iyan. Sumali muli sa usapan si Kon. Morales at sinabing huwag magpadalus-dalos sa akusasyon ng lagayan at magbitbit ng “picture” kung totoo man iyon ngunit sinabi ni Kon. Lajara na kaya nga dapat imbestigahan ito ng Sangguniang Panlungsod dahil rito. Nagbigay rin ng opinyon si Vice Mayor Binoy Lajara dahil sa nangyayaring pagtatalo ng mga konsehal. Sinabi niyang gawin na lamang kung anuman ang mga ipinangako ng ating mga inihalal na opisyal noong panahon pa ng kampanya.

Binasa rin ni Konsehal Morales ang kagustuhan niyang gawan ng pailaw ang lahat ng baranggay sa Upland. Si Kon. Ruth Mariano-Hernandez naman ang nagbasa ng isang sulat mula sa pangulo ng City College of Calamba na humihiling para sa mga dagdag empleyado at promosyon ng ilan nilang mga guro. Pinaalala niya rin ang nalalapit na pagdiriwang ng ika-150 kaarawan ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal. Sinabi nyiang dapat itong masusing paghandaan ng ating pamahalaan.

Naging mainit rin ang talakayan sa Committee Report ni Kon. Eddie Catindig. Ikinwento niya ang nagyaring pag-uusap niya sa mga naninirahan sa tabing-riles sa Brgy. Parian. Sinabi niya rin ang kanyang naipangako sa mga nakausap niya na magkakaroon ng isang ocular inspection ang buong Sangguniang Panlungsod. Sumang-ayon naman ang lahat ng konsehal dito, maging ang presiding officer. Idinagdag na lamang ni Kon. Bong Baroro na dapat humingi pa rin ng permiso ang SP sa national Housing Authority. Idinagdag ni Konsehal Lajara na kailangan siguraduhin ang kapakanan ng mamamayan pagdating sa isyu ng relokasyon. Sinermunan naman ni Vice Mayor Lajara ang mga konsehal dahil sa paulit-ulit at humahabang pagtatalo tungkol dito. Dagdag niya rin na dumaan na naman sa dating SP ang pag-apruba sa pabahay na paglilipatan sa mga maapektuhan. Minsan lamang magsalit ngunit direkta at malnaw na ibinunton ni Konsehal Santiago Atienza ang sisi sa NHA dahil sa palpak na pagkakagawa ng pabahay. Ito naman daw talaga ang dahilan kung bakit nag-aatubili ang mga tao na lumipat sa relocation site. Pinuna naman mismo ng Presiding Officer sa Chairman ng Committee on Public Works Moises Morales ang nasabing usapin at sinabing dapat siyang magtrabaho. Ang sagot naman ni Kon. Morales ay hindi naman trabaho niya ang usapin bagkus ng ibang komite.

Mainit ang talakayan at naging sagutan pagdating sa privilege speech ng tila sinagot ni Kon. Moises Morales ang pagsesermon sa kanya ng Presiding Officer Binoy Lajara. Malinaw niyang binanggit na adapt raw sundin lamang ng mga konsehal ang laman ng Internal Rules and Procedures. Sinabi niya rin na ang kanilang trabaho ay magpasa ng mga resolusyon at hindi umaksyon. Sa gitna ng pagsagot ni Vice Mayor Lajara ay pinutol na agad nito ni Kon. Bong Baroro para i-adjourn ang sesyon at hindi na lumaki ang tunggalian.

Hindi naman masama ang pagsagot at pagsabat basta nasa tamang lugar at tamang panahon. Subalit sa loob ng pamahalaan, ang tunay na kailangan ay aksyon. Mabilis at walang patumpik-tumpik dapat ang ating mga opisyal sa paggawa ng mga programa at paraan. Kaya nawawalan ng tiwala ang mga tao sa gobyerno dahil mabagal ang proseso, puro debate na lamang kahit wala na naman talagang ipinupunto. Kung wala namang magandang sasabihin, kailangan na lamang ay tumahimik. Tanggapin ang puna ng maluwag at itama ang pagkakamali para sa masmaayos na hinanarap.

Monday, July 26, 2010

SESYONISTA: GISING SANGGUNIANG PANLUNGSOD!

Araw ng SONA ngayon pero maspinili kong umatend se sesyon ng Sangguniang Panlungsod, balita ko kasi tatalakayin muli ang usapin ng P26-M scam. Matagal-tagal ko na ring sinusubaybayan ang kasong ito at isa ako sa mga humihiling na magkaroon sana ng isang independyenteng imbestigasyon ang ating Sangguniang Panlungsod.

Maaga akong dumating, hindi pa nag-uumpisa, unti-unti pa lang napupuno ang bulwagan kahit wala pang mga pulitikong nakikita. Hanggang ito na nga at nagumpisa na ang session. Normal ang pag-uumpisa mula dasal, national anthem at iba pa. Nakinig na lang muna ako sa mga usapin sa sesyon habang hinihintay kung matatalakay ba talaga ang isyu ng kurapsyon.

Umulan ng kabi-kabilang resolusyon mula kina Konsehal Christian Niño Lajara, Moises Morales at Johnny Lazaro. Binanggit ang mga extension ng mga termino ng ilang department heads gaya na lang ni Manuel Ladrido bilang ating City Administrator. Ang dating Konsehal Dennis Lanzanas naman ay inilagay na rin bilang bagong pinuno ng City Planning and Development Office.

Mahaba-haba rin ang naging pagtatalo tungkol sa second reading ng Guidelines para sa Kooperatiba na inakda ni Konsehal Niño Lajara. Nabinbin ang ordinansa ito sa nakaraang Sangguniang Panlungsod. Hinaharang ni Konsehal Moises Morales ang ordinansa dahil marami pa daw siyang katanungan patungkol dito. Sinasabi rin na si Konsehal Santy Atienza na ang may hawak sa Komite sa Kooperatiba at Pangkabuhayan kaya dapat siya ang manguna sa ordinansang ito. Iminungkahi rin ni Konsehal Ruth Hernandez na ipasa na lang ito bilang resolusyon kaysa ordinansa upang magiging madali ang pagbabago nito kasabay sa panahon. Sa bandang huli ay nagkaroon ng sandaling recess para pag-usapan ng buong Komite ang ordinansa at nauwi ito sa deferral.

Si Konsehal Morales rin ang nagbasa ng nag-iisang barangay resolution sa araw na iyon na nagmula sa barangay ng ating ABC. President Saturnino Lajara, ang Baranggay Tulo. Hinihiling nila ang mahigit isang milyong supplemental budget para sa pagpapatayo ng isang covered court sa kanilang pook.

Nagkaroon rin ng pagkakataon makapagbasa ng ilang sulat sina Konsehal Atienza at Morales. Nagmula kay Kapitana Angie Atienza ng Paciano-Rizal ang una, at mula naman sa ilang concerned citizen na humihingi ng tulong para sa mga road paint at reflectorize signs ang sa huli. Sinabi ni Kon. Morales na ang mga ito ay basic services.

Naging maganda naman ang talakayan at pinalakpakan nang buksan ni Konsehal Niño Lajara ang mahigit isang buwan ng iniinda ng mga taga-Canlubang, ang kawalan ng kuryente at tubig. Ito ay kahilingan ng iba’t ibang grupo sa loob ng Canlubang mula Buntog, Balagbag Araw, Canlubang Proper at iba pa. Malinaw na dapat buksan ang usaping ito. Humiling ang konsehal na magkaroon ng en banc meeting ang Sangguniang Panlungsod para pag-usapan ang usaping ito. Gusto niya rin sanang mapasailalim na ang mga apektadong sitio ng Canlubang sa MERALCO. Sumang-ayon naman si Kon. Morales kay Kon. Lajara sa pagkakataong ito. Mainit niyang hinamon ang mga nasa Sangguniang Baranggay ng Canlubang, mula Kapitan hanggang mga Kagawad, dahil sa kawalang aksyon ng mga ito sa nasabing usapin. Subalit kumambyo siya ng kaunti nang sinabi niyang mahihirapan agad makialam ang Sangguniang Panlungsod dito kaya sana magkaharap muna lahat ng kampo, mula mga mamamayang apektado hanggang kampo ng Yulo. Sana naman magkakatotoo ang mga sinabi ng mga nasa konseho dahil kapakanan ng bawat mamamayan ang dapat nilang pangalagaan at hindi ng iilan lamang. Ligal man o extralegal na laban dapat nila suportahan kung tagumpay at kapakanan ng mga mamamayan natin ang nakasalalay.

Sa wakas, matapos maghintay, sa privilege speech pala babanatan sa katauhan ni Kon. Lajara ang tungkol sa kanina ko pang inaabangang P26-M scam. May mga bagong datos na nakita siya gaya ng sulat na nagmula sa Commission on Audit. Napag-alaman din na nailabas ang milyun-milyong piso sa ating kaban na wala man lang disbursement voucher at iba pang supporting documents, maliban sa pirmadong Accountant’s Advice ng hindi pa ring suspendidong si Carminia Espiridion. Nabanggit na nararapat lang din panagutin ang mga nasa Treasury Office gaya n gating OIC-City Treasurer Liberty Toldeo at Cash Custodian Nathaniel Pia. Sinabi niya rin na dapat ibalik sa kaban ng lungsod ang mga nawawalang salapi.

Hiniling ni Konsehal Niño Lajara na magkaroon ng isang independyenteng imbestigasyon ang Sangguniang Panlungsod gaya ng matagal ng hinihiling ng taumbayan. Subalit laking gulat ako ng harangin ito ni Konsehal Jose Morel Manaig dahil sa isang opinion ng DILG. Sinabi ng DILG sa harap ng mga konsehal natin na walang karapatan mag-imbestiga ang Sangguniang Panlungsod ukol sa isyu. Dinagdagan pa ito ni Konsehal Morales at sinabing maghintay na lamang tayo at ipagpaubaya na ang nasabing kaso sa naunang nag-iimbestiga rito na National Bureau of Investigation.

Simpleng imbestigasyon lang na alam naman nating lahat na kayang gawin ng lehislatura ang hinihiling ng taumbayan. Gusto natin ng masmalinaw at masmabilis na takbo sa kasong ito. Ngunit sa nangyayaring pagharang at patuloy na pagsasawalang kibo ng ilan nating konsehal, anong mangyayari sa mga importanteng isyu katulad nito. Aabutin na naman ba ng taon hanggang makalimutan na lamang ng tao. Umpisa pa lang ng panunungkulan niyo subalit mukhang nawawala na agad ang paninindigan n gating mga konsehal. Tanda ko pa nga noong eleksyon na ginamit pa ng isang partido ang isyung ito at ngayon nakaupo na sa konseho ang ilan sa kanila. Gising mga inihalal naming opisyal baka sa huli

Monday, July 19, 2010

SESYONISTA: Trapik, Pabahay, Tubig, atbp.

Medyo nahuli ako ng dating sa sesyon ng Sangguniang Panlungsod kanina. Tinanghali ng gising at may mga inunang inasikaso pero sakto pa rin naman sa oras para marinig ang ilang mga isyu at resolusyong inihain ng ating konseho.

Bumungad agad sa pandinig ko ang boses ni Kon. Bong Baroro sa pagpasok ko sa session hall. Kinekwestyon niya kung may ligalidad ba ang ginagawang mga rerouting ng daan sa Poblacion. Ito ay ilang panahon na ring ipinatutupad ng City traffic Management Office ng lungsod. Tinugunan naman ito ng Chairman ng Transportation, Franchise and Public Utilities na si Kon. Niño Lajara. Sinabi niya na kailangan magpaliwanag ang Public Order and Safety Office at CTMO ukol rito dahil ang naaprubhahan lang na ordinansa kaugnay nito ay ang mga babaan at sakayan ng mga pampublikong sasakyan. Inaasahang magkakaroon ng isang committee hearing tungkol dito. Nakakatuwang isipin na sa mga personal na karanasan minsan kumukuha ang ating mga konsehal ng motibasyon sa pagpasa ng mag ordinansa at katanungan.

Inilahad naman ni Konsehal Moises Morales ang naging epekto ng Bagyong Basyang nitong nakaraang linggo sa lungsod. Kabi-kabilang baha at putik ang tumambak sa paningin ng mga tao, partikular sa Baranggay Halang. Inalalayan naman ng ilang mga konsehal at maging ng Presiding Officer Binoy Lajara ang magiging aksyon para dito. Hiniling ang pakikipag-ugnayan sa City Planning and Development Office, mga developers, at iba pang mga business establishments.

Sumunod naman ay ang resolusyon ni Kon. Niño Lajara para magkaroon ang Calamba City Hall Employee Cooperative ng kantina sa loob ng kasalukuyang City Hall. Ibinaba niya rin ang mga panukala na payagang makapagluto sa loob ng City Hall ang kooperatiba kapag sila na ang nagpapatakbo ng kantina dito. Sa ngayon, kailangan pang linawin kay Mayor Jun Chipeco ang usaping ito sa kadahilanang may kasalukuyang concessionaire na nagkakantina sa City Hall kaya kailangan muli itong talakayin sa susunod na sesyon.

Idinagdag rin ni Kon. Lajara ang pagtaas ng buwanang allowance ng FARMC, ang kooperatiba ng mga mangingisda sa Calamba. Ipinanukala na itaas mula P300 aptungong P500 ang para sa mga baranggay coordinators, P1500 para sa pangulo nito at P1000 para sa pangalawang pangulo. Pinaalalahanan niya rin ang mag kasama niya sa Sangguniang Panlungsod na paghandaan ang magiging Executive-Legislative Agenda. Sinabi niyang dapat magkaroon na ng mga priyoridad na proyekto ang bawat konsehal para sa ikauunlad ng mamamayan.

Sa Committee report ng mga konsehal, ipinarating ni Kon. Eddie Catindig ang kagustuhan niyang kausapin ang mga naninirahan sa tabing-riles ng Parian. Sinabi niya na magiging mahirap sa lungsod ang mga suhestiyon ng mga grupo sa lugar na iyon dahil ang national government ang may proyekto dito. Sumali muli sa usapan ang nagbasa ng liham ng mga taga-Parian noong nakaraang linggo na si Konsehala Ruth Mariano-Hernandez. Sinabi niya na magiging mahirap kung hindi makikialam ang LGU sa usaping ito. Ang kahilingan lang naman daw ng mga tao rito ay pabahay kahit sa ilalim ng Community Mortgage Program. Idinagdag rin ni Konsehala na kailangan ring tawagin ang atensyon ng pununglunsod para mag-convene ang Housing Board na binuo ng SP noong nakaraan pang taon. Idinagdag niya na umaabot sa P40M ang badyet sa nasabing proyekto.

Si Konsehal Moises Morales ay nagbigay naman ng isang privilege speech na tumalakay sa suplay ng tubig sa ating sintang bayan. Ito ay matapos ng maghapong pagkawala ng tubig sa panahon ng Bagyong Basyang. Hiniling niya na dapat regular na maglabas status and development report ang Calamba Water District (CWD). Idinagdag niya rin ang pag-install ng mga generator sa mga pumping station ng CWD. Bilang pagtatapos nagpahapyaw si Kon. Lajara sa mga tatalakayin niyang mga isyu sa mga susunod na sesyon tulad ng P26-M scam, Canlubang at CMC.

Siguradong magiging mabigat na naman ang susunod na sesyon. Ang mahalaga ay natatalakay sa ngayon ang mga importanteng punto para sa serbisyong panlipunan at kagalingan. Ang dapat nating abangan ay kung may mangyayari bang implementasyon sa mga ito o mananatiling nakabinbin na lamang sa mga papel.

Wednesday, July 14, 2010

SESYONISTA: ang botohan para sa mga komite

Medyo nahuli yata ng ilang araw subalit maihahabol ka pa rin naman ang nangyaring sesyon sa sangguniang Panlungsod ng Calamba nitong nakaraang Lunes.

Matapos ang pagliban ng botohan sa paghahalal ng mga magiging Chairman ng iba't-ibang komite noong unang araw ng sesyon , natuloy din ang ito nitong lunes. Matatandaan na mainit ang naging pagtatalo sa gagamiting internal rules sa session noong nakaraang lunes, kung ang luma ba o ang bagong ipinanukala ni Konsehal Christian Niño Lajara. Kinontra ito sa una ng mga kasamahan nito sa konseho gaya ni Konsehal Moises Morales dahil daw ito ay maaring magamit sa panlalamang. Subalit sa isang en banc meeting na ginanap din sa linggong iyon ay naliwanagan ang lahat at inadapt din ang resolusyon ni Kon. Lajara.

Hindi naging mabigat ang labanan sa mga komite. Halos hindi na nga nagkaroon ng kontensyon sa karamihan ng komite maliban sa Committee on Good Governance, Public Ethics and Accountability (Lazaro VS ABC Pres. Lajara), Committee on City Planning and Zoning (Manaig VS Perez), at Cooperatives and Self-employment (Atienza VS Kon. Lajara). Mapapansin na agad ang pagkakaroon ng dalawang bloc sa konseho kung saan nagkaroon ng 7-5 boto sa dalawang posisyon. Makikita na agad ang magiging kampihan at suyuan sa mga susunod pang mga isyu.

Ito ang mga pamumunuang komite ng mga konsehal natin sa Calamba:

KONSEHAL RUTH MARIANO-HERNANDEZ
-Tourism, Culture and Social Events
-Health and Sanitation
-Rules and Privileges

KONSEHAL LIAN PECHO-ALDABE
-Education
-Accreditation
-Public Affairs and Information

KONSEHAL EDDIE CATINDIG
-Social Services, Man, Woman and Family
-Socialize Housing and Urban Poor

KONSEHAL MOISES MORALES
-Public Works
-Appropriation, Budget and Finance

KONSEHAL BONG BARORO
-Natural Resources and Waste Management
-Games and Amusement

KONSEHAL CHRISTIAN NIÑO LAJARA
-Agriculture
-Franchise, transportation and Utilities

KONSEHAL PEEWEE PLATON-PEREZ
-Justice and Human Rights
-Trade, Commerce and Industry

KONSEHAL JOSE MOREL-MANAIG
-City Planning and Zoning
-Market and Slaughter House

KONSEHAL JUAN LAZARO
-Good Governance, Public Ethics and Accountability
-Labor and Employment
-Appointment, Plantilla and Personnel Services

KONSEHAL SANTY ATIENZA
-Cooperatives and Self-employment

ABC PRES. SATURNINO lAJARA
-Laws and Ordinances
-Peace and Order
-Baranggay Affairs

SK PRESIDENT JAYNE RIZAL
-Youth Development

Natalakay rin ang ilang resolusyon mula sa mga baranggay. Pinakapumukaw sa atensyon ko ay ang pinagsanib na resolusyon ng baranggay Canlubang at Siranglupa ukol sa right of way ng access road ng dalawang baranggay. Inaasahan na tutugunan na ito hanggang sa susunod na taon. Matagal na ring isyu ito sa dalawang baranggay. Kapag nabili na ang access road ay maari ng ipaayos ito ng pamahalaang panlungsod at higit an makakatulong sa mamamayan.

Tinalakay muli ang isyu ng demolisyon at relokasyon sa binasang sulat ni Konsehal Ruth Hernandez. Natandaan ko pa na sa pagsasara ng huling SP session noong Marso ay tinalakay na ito. Mahigpit ang laban ng mga mamamayan sa tabing-riles sa nasabing baranggay. Magiging mahirap para sa kanilang kabuhayan kong ililipat sila sa Baranggay kay-Anlog.

Simple naman ang magiging tugon sa nangyaring pagpili ng mga committee chairmanship at ito ay kung mapaninindigan at maipagtatanggol nila ang interes ng taumbayan sa mga nasabing komite. Ngayon natin silang hamunin na gawin ang mga pangako nilang inihain sa atin noong eleksyon.

Monday, July 12, 2010

ANG PATULOY NA PAGHAHANAP NG KATOTOHANAN


Update sa P26-M scam ng Pamahalaang Lungsod ng Calamba

Ilang buwan pa lang ang nakakaraan matapos ang eleksyon. Malinaw pa rin sa isip ng mamamayan ang mga isyu at pangyayaring naganap noon sa Lungsod ng Calamba. Hindi pa rin malinaw at wala pa ring nananagot sa pagkawala ng mahigit P26-milyong piso mula sa kaban ng bayan.

ANG PAGKAWALA

Nitong nakaraang Abril, matatandaan ang pagkakadiskubre ng pagkawala ng dalawang booklet ng tseke sa loob ng Treasury Office ng Calamba City Hall. Ito ay napansin ng Check Custodian na si Nathaniel Pia. Sinubukan pa niyang hanapin dahil maaaring namisplace niya lang ito subalit bigo siyang ito ay makita. Mabilis niya itong ipinaalam sa OIC-City Treasurer na si Liberty Toledo. Matapos nito, nag-request para sa stop payment ng mga nasabing tseke si Toledo. Ang dalawang booklet ng tseke ay para sa General Fund at Special Education Fund. Napag-alamanan na nakapaglabas na ng halagang P26,618,124.59 bago pa man ito madiskubre sa pamamagitan ng statement of account na nagmula sa bangko.

Isang araw pa lang matapos ang pagkakadiskubre ay nahuli ang isang supplier na si Reynielda Leaño sa aktong pag-withdraw ng mga tsekeng may halagang aabot sa mahigit P11-milyon sa Philippine National Bank-Calamba Branch. Ito ay sa kasagsagan ng lokal ng kampanya para sa eleksyon. Napag-alamanan din na direktang inililipat rin sa personal na account ng nahuli ang perang nakukuha mula sa nasabing bangko. Labing-tatlong bilang ng Estafa thru Falsification of Commercial Document ang ikinaso kay Leaño. Subalit wala pang isang lingo ay nakapagpiyansa na siya ng daang libo ang halaga at nakalabas sa kulungan.

Hindi raw dumaan sa tamang proseso at pineke ang pirma ng mga signatories na sina Treasurer Toledo at Mayor Joaquin Chipeco sa mga nakuhang tseke. Sa pamamagitan ng magkahiwalay na sworn affidavit ay itinanggi nilang pinirmahan nila ang mga tseke. May mga pirma rin sa ilang tseke ang dating Vice Mayor Pursino Oruga.

ANG IMBESTIGASYON

Patuloy ang imbestigasyon hanggang sa ngayon ng National Bureau of Investigation patungkol sa kaso. Nagbuo rin ng isang investigating committee ang punong lungsod sa pangunguna ng City Legal Office at City Administrator na si Atty. Manuel Ladrido. May iba’t-ibang grupo rin na gumagawa ng paraan para maimbestigahan at panagutin ang may mga sala.

Naghain rin naman ng resolusyon si City Prosecutor Miguel Noel Ocampo para ituloy ang paghahain ng kaso kay Leaño. Nilalaman rin ng resolusyon na hindi diumano dumaan sa normal na proseso ang mga dokumentong ginamit ng nasasakdal. Dagdag pa rito, nakapaglabas rin ng pera dahil sa mga Accountant Advice na mula sa City Accounting Office. Ang Accountant Advice ay ang palatandaan na opisyal, tama at regular ang pagbabayad para sa mga dapat bayaran.

Ang mga tsekeng ginamit ay may parehong font at font size sa ginagamit ng City Treasurer’s Office. Ang mga Accountant’s Advice na pirmado ni City Accountant Carminia Esperidion at ng clerk-in-charge Rodelio Aruta ay may control number at nakaayos ayon sa pagkakasunud-sunod. Ito ang mga malinaw na indikasyon na nagkakaroon ng sabwatan sa pagitan ng mga empleyado at opisyales ng City Hall para mangyari ang nasabing scam.

Wala pa ring malinaw na resolusyong inilalabas ang NBI kung totoo o peke ang mga pirma sa mga tseke.

Lumabas rin sa isang YouTube video ang malapit na koneksyon ni City Accountant Esperidion at isa sa mga nakapaglabas ng pera na si Connie Abarca. Ayon naman sa isang source, sa humigit kumulang sampung supplier na nakapaglabas ng pera ay dalawa lamang ang rehistrado sa DTI. Isa sa mga ito ay ang Dylan Benjamine Trading na pag-aari ng anak ni Abarca. May direktang koneksyon rin daw si Esperidion sa nahuling si Leaño. Idinidikit rin sa 2008 COA Report Observation Report kung saan mahigit isang daang milyong piso ang hindi mabalanse sa libro ng siyudad dahil mula rin sa General Fund at Special Education Fund ang mga perang hindi makita rito.

ANG PAGHAHANAP

Hanggang sa ngayon, malabo pa rin at wala pa ring napaparusahan sa kaso. Nauna nang hilingin ni Konsehal Christian Niño Lajara ang pagpataw ng preventive suspension sa mga opisyales na involved sa kaso. Ito ay para maiwasan ang paglilinis sa mga posibleng magamit na ebidensya na nasa pangangalaga ng iba’t ibang departamento ng lungsod. Wala pa ring napapatawan sa mga pangunahing inaakusahan ng preventive suspension hanggang sa ngayon, maliban sa isang check custodian.

Iba’t ibang sektor rin ang naglobby sa special session ng Sangguniang Panglunsod noong Abril 28 upang tugunan agad ng mga nakaupo sa puwesto ang kurapsyong nagaganap sa loob ng Pamahalaang Panglunsod. Nagkaroon ng pagpapakalat ng mga polyetos, pagbubuo ng mga alyansa laban sa kurapsyon at pag-ulan ng mga reaksyon sa internet ang mga ordinaryong mamamayan para ikalat ang mga impormasyon tungkol sa isyung ito sa publiko.

Isang kilalang personalidad naman sa Lungsod ng Calamba ang nakahanda ng mag-file ng reklamo kay Mayor Jun Chipeco at sa iba’t ibang departamento na dinaanan diumano ng mga dokumentong ginamit sa pagnanakaw sa kaban ng bayan. Naniniwala siya na dumaan sa tamang proseso ang papel at malaki ang kinalaman dito ng punung-lunsod. Isasama niya rin sa reklamo ang Bank Manager na nag-aasikaso ng mga dokumento sa mga nawalang tseke. Hindi din siya natutuwa sa mga binuong investigation committee ng punung-lunsod at sinabi pa niyang whitewash committee ang mga ito. Iba’t ibang sektor na rin ang kinakausap niya upang sumama at tumayo kasama niya bilang mga complainants sa kaso. Ito ay sa pagnanais na ang mga simpleng mamamayan ang dapat magreklamo dahil pera nila ang nilustay sa insidenteng ito. Pagkatapos mai-file ang kaso ay susundan daw ito sigurado ng mga postering at pagkilos ng mga mamamayan ng Calamba. Inaasahang magiging malakas at matibay ang maihahaing kaso ng kilalang personalidad na ito.

Hindi maitatago ang inis sa mga mamamayan sa bagal ng imbestigasyon. Hindi na papayag ang mga tao na gaya ng iba ring isyu ay malilimutan na lamang ito ng walang nananagot. Patuloy na mangyayari ang mga ganitong gawi kung patuloy lang din palalampasin ng kinauukulan. Tuloy ang paghihinala sa maduming pamamahala kung walang aaksyon at tugon. Bukas na rin sa isipan ng taumbayan na walang gagawa nito kung walang magpoprotektang nasa kapangyarihan sa mga ito. Ipinagkatiwala ng taumbayan ang pera sa pamahalaan upang gamitin at itulong sa pangangailangan nila. Subalit kung patuloy na iba ang magpapasasa sa perang pinaghirapan ng taumbayan ang mga ito, sa kabila ng libu-libong naghihirap na mamamayan, walang mangyayaring pag-asenso at inhustisya lamang ang tunay na makukuha.

Thursday, July 8, 2010

sa pag-uumpisa

Hindi ko alam kung ano ang dapat lamanin ng unang tirada ko sa blog na ito. Dapat ba itong maging personal, progresibo, tagapagbalita o anuman. Walang ideya na pumapasok sa isip kundi isa itong daan upang mailabas ko kung ano man ang mga reaksyon ko sa lipunang nakakulumpon pa rin sa "lumang pagbabago".

Hayaan niyong umpisahan ko sa pagbati ng "WELCOME" sa sarili ko sa mundo ng blogging. Maaring hindi ito ang una kong blog subalit malamang ito ang maging regular.

Hayaan niyo akong mag-umpisa sa salitang hindi tapos.

"HELL."