Monday, July 26, 2010

SESYONISTA: GISING SANGGUNIANG PANLUNGSOD!

Araw ng SONA ngayon pero maspinili kong umatend se sesyon ng Sangguniang Panlungsod, balita ko kasi tatalakayin muli ang usapin ng P26-M scam. Matagal-tagal ko na ring sinusubaybayan ang kasong ito at isa ako sa mga humihiling na magkaroon sana ng isang independyenteng imbestigasyon ang ating Sangguniang Panlungsod.

Maaga akong dumating, hindi pa nag-uumpisa, unti-unti pa lang napupuno ang bulwagan kahit wala pang mga pulitikong nakikita. Hanggang ito na nga at nagumpisa na ang session. Normal ang pag-uumpisa mula dasal, national anthem at iba pa. Nakinig na lang muna ako sa mga usapin sa sesyon habang hinihintay kung matatalakay ba talaga ang isyu ng kurapsyon.

Umulan ng kabi-kabilang resolusyon mula kina Konsehal Christian Niño Lajara, Moises Morales at Johnny Lazaro. Binanggit ang mga extension ng mga termino ng ilang department heads gaya na lang ni Manuel Ladrido bilang ating City Administrator. Ang dating Konsehal Dennis Lanzanas naman ay inilagay na rin bilang bagong pinuno ng City Planning and Development Office.

Mahaba-haba rin ang naging pagtatalo tungkol sa second reading ng Guidelines para sa Kooperatiba na inakda ni Konsehal Niño Lajara. Nabinbin ang ordinansa ito sa nakaraang Sangguniang Panlungsod. Hinaharang ni Konsehal Moises Morales ang ordinansa dahil marami pa daw siyang katanungan patungkol dito. Sinasabi rin na si Konsehal Santy Atienza na ang may hawak sa Komite sa Kooperatiba at Pangkabuhayan kaya dapat siya ang manguna sa ordinansang ito. Iminungkahi rin ni Konsehal Ruth Hernandez na ipasa na lang ito bilang resolusyon kaysa ordinansa upang magiging madali ang pagbabago nito kasabay sa panahon. Sa bandang huli ay nagkaroon ng sandaling recess para pag-usapan ng buong Komite ang ordinansa at nauwi ito sa deferral.

Si Konsehal Morales rin ang nagbasa ng nag-iisang barangay resolution sa araw na iyon na nagmula sa barangay ng ating ABC. President Saturnino Lajara, ang Baranggay Tulo. Hinihiling nila ang mahigit isang milyong supplemental budget para sa pagpapatayo ng isang covered court sa kanilang pook.

Nagkaroon rin ng pagkakataon makapagbasa ng ilang sulat sina Konsehal Atienza at Morales. Nagmula kay Kapitana Angie Atienza ng Paciano-Rizal ang una, at mula naman sa ilang concerned citizen na humihingi ng tulong para sa mga road paint at reflectorize signs ang sa huli. Sinabi ni Kon. Morales na ang mga ito ay basic services.

Naging maganda naman ang talakayan at pinalakpakan nang buksan ni Konsehal Niño Lajara ang mahigit isang buwan ng iniinda ng mga taga-Canlubang, ang kawalan ng kuryente at tubig. Ito ay kahilingan ng iba’t ibang grupo sa loob ng Canlubang mula Buntog, Balagbag Araw, Canlubang Proper at iba pa. Malinaw na dapat buksan ang usaping ito. Humiling ang konsehal na magkaroon ng en banc meeting ang Sangguniang Panlungsod para pag-usapan ang usaping ito. Gusto niya rin sanang mapasailalim na ang mga apektadong sitio ng Canlubang sa MERALCO. Sumang-ayon naman si Kon. Morales kay Kon. Lajara sa pagkakataong ito. Mainit niyang hinamon ang mga nasa Sangguniang Baranggay ng Canlubang, mula Kapitan hanggang mga Kagawad, dahil sa kawalang aksyon ng mga ito sa nasabing usapin. Subalit kumambyo siya ng kaunti nang sinabi niyang mahihirapan agad makialam ang Sangguniang Panlungsod dito kaya sana magkaharap muna lahat ng kampo, mula mga mamamayang apektado hanggang kampo ng Yulo. Sana naman magkakatotoo ang mga sinabi ng mga nasa konseho dahil kapakanan ng bawat mamamayan ang dapat nilang pangalagaan at hindi ng iilan lamang. Ligal man o extralegal na laban dapat nila suportahan kung tagumpay at kapakanan ng mga mamamayan natin ang nakasalalay.

Sa wakas, matapos maghintay, sa privilege speech pala babanatan sa katauhan ni Kon. Lajara ang tungkol sa kanina ko pang inaabangang P26-M scam. May mga bagong datos na nakita siya gaya ng sulat na nagmula sa Commission on Audit. Napag-alaman din na nailabas ang milyun-milyong piso sa ating kaban na wala man lang disbursement voucher at iba pang supporting documents, maliban sa pirmadong Accountant’s Advice ng hindi pa ring suspendidong si Carminia Espiridion. Nabanggit na nararapat lang din panagutin ang mga nasa Treasury Office gaya n gating OIC-City Treasurer Liberty Toldeo at Cash Custodian Nathaniel Pia. Sinabi niya rin na dapat ibalik sa kaban ng lungsod ang mga nawawalang salapi.

Hiniling ni Konsehal Niño Lajara na magkaroon ng isang independyenteng imbestigasyon ang Sangguniang Panlungsod gaya ng matagal ng hinihiling ng taumbayan. Subalit laking gulat ako ng harangin ito ni Konsehal Jose Morel Manaig dahil sa isang opinion ng DILG. Sinabi ng DILG sa harap ng mga konsehal natin na walang karapatan mag-imbestiga ang Sangguniang Panlungsod ukol sa isyu. Dinagdagan pa ito ni Konsehal Morales at sinabing maghintay na lamang tayo at ipagpaubaya na ang nasabing kaso sa naunang nag-iimbestiga rito na National Bureau of Investigation.

Simpleng imbestigasyon lang na alam naman nating lahat na kayang gawin ng lehislatura ang hinihiling ng taumbayan. Gusto natin ng masmalinaw at masmabilis na takbo sa kasong ito. Ngunit sa nangyayaring pagharang at patuloy na pagsasawalang kibo ng ilan nating konsehal, anong mangyayari sa mga importanteng isyu katulad nito. Aabutin na naman ba ng taon hanggang makalimutan na lamang ng tao. Umpisa pa lang ng panunungkulan niyo subalit mukhang nawawala na agad ang paninindigan n gating mga konsehal. Tanda ko pa nga noong eleksyon na ginamit pa ng isang partido ang isyung ito at ngayon nakaupo na sa konseho ang ilan sa kanila. Gising mga inihalal naming opisyal baka sa huli

Monday, July 19, 2010

SESYONISTA: Trapik, Pabahay, Tubig, atbp.

Medyo nahuli ako ng dating sa sesyon ng Sangguniang Panlungsod kanina. Tinanghali ng gising at may mga inunang inasikaso pero sakto pa rin naman sa oras para marinig ang ilang mga isyu at resolusyong inihain ng ating konseho.

Bumungad agad sa pandinig ko ang boses ni Kon. Bong Baroro sa pagpasok ko sa session hall. Kinekwestyon niya kung may ligalidad ba ang ginagawang mga rerouting ng daan sa Poblacion. Ito ay ilang panahon na ring ipinatutupad ng City traffic Management Office ng lungsod. Tinugunan naman ito ng Chairman ng Transportation, Franchise and Public Utilities na si Kon. Niño Lajara. Sinabi niya na kailangan magpaliwanag ang Public Order and Safety Office at CTMO ukol rito dahil ang naaprubhahan lang na ordinansa kaugnay nito ay ang mga babaan at sakayan ng mga pampublikong sasakyan. Inaasahang magkakaroon ng isang committee hearing tungkol dito. Nakakatuwang isipin na sa mga personal na karanasan minsan kumukuha ang ating mga konsehal ng motibasyon sa pagpasa ng mag ordinansa at katanungan.

Inilahad naman ni Konsehal Moises Morales ang naging epekto ng Bagyong Basyang nitong nakaraang linggo sa lungsod. Kabi-kabilang baha at putik ang tumambak sa paningin ng mga tao, partikular sa Baranggay Halang. Inalalayan naman ng ilang mga konsehal at maging ng Presiding Officer Binoy Lajara ang magiging aksyon para dito. Hiniling ang pakikipag-ugnayan sa City Planning and Development Office, mga developers, at iba pang mga business establishments.

Sumunod naman ay ang resolusyon ni Kon. Niño Lajara para magkaroon ang Calamba City Hall Employee Cooperative ng kantina sa loob ng kasalukuyang City Hall. Ibinaba niya rin ang mga panukala na payagang makapagluto sa loob ng City Hall ang kooperatiba kapag sila na ang nagpapatakbo ng kantina dito. Sa ngayon, kailangan pang linawin kay Mayor Jun Chipeco ang usaping ito sa kadahilanang may kasalukuyang concessionaire na nagkakantina sa City Hall kaya kailangan muli itong talakayin sa susunod na sesyon.

Idinagdag rin ni Kon. Lajara ang pagtaas ng buwanang allowance ng FARMC, ang kooperatiba ng mga mangingisda sa Calamba. Ipinanukala na itaas mula P300 aptungong P500 ang para sa mga baranggay coordinators, P1500 para sa pangulo nito at P1000 para sa pangalawang pangulo. Pinaalalahanan niya rin ang mag kasama niya sa Sangguniang Panlungsod na paghandaan ang magiging Executive-Legislative Agenda. Sinabi niyang dapat magkaroon na ng mga priyoridad na proyekto ang bawat konsehal para sa ikauunlad ng mamamayan.

Sa Committee report ng mga konsehal, ipinarating ni Kon. Eddie Catindig ang kagustuhan niyang kausapin ang mga naninirahan sa tabing-riles ng Parian. Sinabi niya na magiging mahirap sa lungsod ang mga suhestiyon ng mga grupo sa lugar na iyon dahil ang national government ang may proyekto dito. Sumali muli sa usapan ang nagbasa ng liham ng mga taga-Parian noong nakaraang linggo na si Konsehala Ruth Mariano-Hernandez. Sinabi niya na magiging mahirap kung hindi makikialam ang LGU sa usaping ito. Ang kahilingan lang naman daw ng mga tao rito ay pabahay kahit sa ilalim ng Community Mortgage Program. Idinagdag rin ni Konsehala na kailangan ring tawagin ang atensyon ng pununglunsod para mag-convene ang Housing Board na binuo ng SP noong nakaraan pang taon. Idinagdag niya na umaabot sa P40M ang badyet sa nasabing proyekto.

Si Konsehal Moises Morales ay nagbigay naman ng isang privilege speech na tumalakay sa suplay ng tubig sa ating sintang bayan. Ito ay matapos ng maghapong pagkawala ng tubig sa panahon ng Bagyong Basyang. Hiniling niya na dapat regular na maglabas status and development report ang Calamba Water District (CWD). Idinagdag niya rin ang pag-install ng mga generator sa mga pumping station ng CWD. Bilang pagtatapos nagpahapyaw si Kon. Lajara sa mga tatalakayin niyang mga isyu sa mga susunod na sesyon tulad ng P26-M scam, Canlubang at CMC.

Siguradong magiging mabigat na naman ang susunod na sesyon. Ang mahalaga ay natatalakay sa ngayon ang mga importanteng punto para sa serbisyong panlipunan at kagalingan. Ang dapat nating abangan ay kung may mangyayari bang implementasyon sa mga ito o mananatiling nakabinbin na lamang sa mga papel.

Wednesday, July 14, 2010

SESYONISTA: ang botohan para sa mga komite

Medyo nahuli yata ng ilang araw subalit maihahabol ka pa rin naman ang nangyaring sesyon sa sangguniang Panlungsod ng Calamba nitong nakaraang Lunes.

Matapos ang pagliban ng botohan sa paghahalal ng mga magiging Chairman ng iba't-ibang komite noong unang araw ng sesyon , natuloy din ang ito nitong lunes. Matatandaan na mainit ang naging pagtatalo sa gagamiting internal rules sa session noong nakaraang lunes, kung ang luma ba o ang bagong ipinanukala ni Konsehal Christian Niño Lajara. Kinontra ito sa una ng mga kasamahan nito sa konseho gaya ni Konsehal Moises Morales dahil daw ito ay maaring magamit sa panlalamang. Subalit sa isang en banc meeting na ginanap din sa linggong iyon ay naliwanagan ang lahat at inadapt din ang resolusyon ni Kon. Lajara.

Hindi naging mabigat ang labanan sa mga komite. Halos hindi na nga nagkaroon ng kontensyon sa karamihan ng komite maliban sa Committee on Good Governance, Public Ethics and Accountability (Lazaro VS ABC Pres. Lajara), Committee on City Planning and Zoning (Manaig VS Perez), at Cooperatives and Self-employment (Atienza VS Kon. Lajara). Mapapansin na agad ang pagkakaroon ng dalawang bloc sa konseho kung saan nagkaroon ng 7-5 boto sa dalawang posisyon. Makikita na agad ang magiging kampihan at suyuan sa mga susunod pang mga isyu.

Ito ang mga pamumunuang komite ng mga konsehal natin sa Calamba:

KONSEHAL RUTH MARIANO-HERNANDEZ
-Tourism, Culture and Social Events
-Health and Sanitation
-Rules and Privileges

KONSEHAL LIAN PECHO-ALDABE
-Education
-Accreditation
-Public Affairs and Information

KONSEHAL EDDIE CATINDIG
-Social Services, Man, Woman and Family
-Socialize Housing and Urban Poor

KONSEHAL MOISES MORALES
-Public Works
-Appropriation, Budget and Finance

KONSEHAL BONG BARORO
-Natural Resources and Waste Management
-Games and Amusement

KONSEHAL CHRISTIAN NIÑO LAJARA
-Agriculture
-Franchise, transportation and Utilities

KONSEHAL PEEWEE PLATON-PEREZ
-Justice and Human Rights
-Trade, Commerce and Industry

KONSEHAL JOSE MOREL-MANAIG
-City Planning and Zoning
-Market and Slaughter House

KONSEHAL JUAN LAZARO
-Good Governance, Public Ethics and Accountability
-Labor and Employment
-Appointment, Plantilla and Personnel Services

KONSEHAL SANTY ATIENZA
-Cooperatives and Self-employment

ABC PRES. SATURNINO lAJARA
-Laws and Ordinances
-Peace and Order
-Baranggay Affairs

SK PRESIDENT JAYNE RIZAL
-Youth Development

Natalakay rin ang ilang resolusyon mula sa mga baranggay. Pinakapumukaw sa atensyon ko ay ang pinagsanib na resolusyon ng baranggay Canlubang at Siranglupa ukol sa right of way ng access road ng dalawang baranggay. Inaasahan na tutugunan na ito hanggang sa susunod na taon. Matagal na ring isyu ito sa dalawang baranggay. Kapag nabili na ang access road ay maari ng ipaayos ito ng pamahalaang panlungsod at higit an makakatulong sa mamamayan.

Tinalakay muli ang isyu ng demolisyon at relokasyon sa binasang sulat ni Konsehal Ruth Hernandez. Natandaan ko pa na sa pagsasara ng huling SP session noong Marso ay tinalakay na ito. Mahigpit ang laban ng mga mamamayan sa tabing-riles sa nasabing baranggay. Magiging mahirap para sa kanilang kabuhayan kong ililipat sila sa Baranggay kay-Anlog.

Simple naman ang magiging tugon sa nangyaring pagpili ng mga committee chairmanship at ito ay kung mapaninindigan at maipagtatanggol nila ang interes ng taumbayan sa mga nasabing komite. Ngayon natin silang hamunin na gawin ang mga pangako nilang inihain sa atin noong eleksyon.

Monday, July 12, 2010

ANG PATULOY NA PAGHAHANAP NG KATOTOHANAN


Update sa P26-M scam ng Pamahalaang Lungsod ng Calamba

Ilang buwan pa lang ang nakakaraan matapos ang eleksyon. Malinaw pa rin sa isip ng mamamayan ang mga isyu at pangyayaring naganap noon sa Lungsod ng Calamba. Hindi pa rin malinaw at wala pa ring nananagot sa pagkawala ng mahigit P26-milyong piso mula sa kaban ng bayan.

ANG PAGKAWALA

Nitong nakaraang Abril, matatandaan ang pagkakadiskubre ng pagkawala ng dalawang booklet ng tseke sa loob ng Treasury Office ng Calamba City Hall. Ito ay napansin ng Check Custodian na si Nathaniel Pia. Sinubukan pa niyang hanapin dahil maaaring namisplace niya lang ito subalit bigo siyang ito ay makita. Mabilis niya itong ipinaalam sa OIC-City Treasurer na si Liberty Toledo. Matapos nito, nag-request para sa stop payment ng mga nasabing tseke si Toledo. Ang dalawang booklet ng tseke ay para sa General Fund at Special Education Fund. Napag-alamanan na nakapaglabas na ng halagang P26,618,124.59 bago pa man ito madiskubre sa pamamagitan ng statement of account na nagmula sa bangko.

Isang araw pa lang matapos ang pagkakadiskubre ay nahuli ang isang supplier na si Reynielda Leaño sa aktong pag-withdraw ng mga tsekeng may halagang aabot sa mahigit P11-milyon sa Philippine National Bank-Calamba Branch. Ito ay sa kasagsagan ng lokal ng kampanya para sa eleksyon. Napag-alamanan din na direktang inililipat rin sa personal na account ng nahuli ang perang nakukuha mula sa nasabing bangko. Labing-tatlong bilang ng Estafa thru Falsification of Commercial Document ang ikinaso kay Leaño. Subalit wala pang isang lingo ay nakapagpiyansa na siya ng daang libo ang halaga at nakalabas sa kulungan.

Hindi raw dumaan sa tamang proseso at pineke ang pirma ng mga signatories na sina Treasurer Toledo at Mayor Joaquin Chipeco sa mga nakuhang tseke. Sa pamamagitan ng magkahiwalay na sworn affidavit ay itinanggi nilang pinirmahan nila ang mga tseke. May mga pirma rin sa ilang tseke ang dating Vice Mayor Pursino Oruga.

ANG IMBESTIGASYON

Patuloy ang imbestigasyon hanggang sa ngayon ng National Bureau of Investigation patungkol sa kaso. Nagbuo rin ng isang investigating committee ang punong lungsod sa pangunguna ng City Legal Office at City Administrator na si Atty. Manuel Ladrido. May iba’t-ibang grupo rin na gumagawa ng paraan para maimbestigahan at panagutin ang may mga sala.

Naghain rin naman ng resolusyon si City Prosecutor Miguel Noel Ocampo para ituloy ang paghahain ng kaso kay Leaño. Nilalaman rin ng resolusyon na hindi diumano dumaan sa normal na proseso ang mga dokumentong ginamit ng nasasakdal. Dagdag pa rito, nakapaglabas rin ng pera dahil sa mga Accountant Advice na mula sa City Accounting Office. Ang Accountant Advice ay ang palatandaan na opisyal, tama at regular ang pagbabayad para sa mga dapat bayaran.

Ang mga tsekeng ginamit ay may parehong font at font size sa ginagamit ng City Treasurer’s Office. Ang mga Accountant’s Advice na pirmado ni City Accountant Carminia Esperidion at ng clerk-in-charge Rodelio Aruta ay may control number at nakaayos ayon sa pagkakasunud-sunod. Ito ang mga malinaw na indikasyon na nagkakaroon ng sabwatan sa pagitan ng mga empleyado at opisyales ng City Hall para mangyari ang nasabing scam.

Wala pa ring malinaw na resolusyong inilalabas ang NBI kung totoo o peke ang mga pirma sa mga tseke.

Lumabas rin sa isang YouTube video ang malapit na koneksyon ni City Accountant Esperidion at isa sa mga nakapaglabas ng pera na si Connie Abarca. Ayon naman sa isang source, sa humigit kumulang sampung supplier na nakapaglabas ng pera ay dalawa lamang ang rehistrado sa DTI. Isa sa mga ito ay ang Dylan Benjamine Trading na pag-aari ng anak ni Abarca. May direktang koneksyon rin daw si Esperidion sa nahuling si Leaño. Idinidikit rin sa 2008 COA Report Observation Report kung saan mahigit isang daang milyong piso ang hindi mabalanse sa libro ng siyudad dahil mula rin sa General Fund at Special Education Fund ang mga perang hindi makita rito.

ANG PAGHAHANAP

Hanggang sa ngayon, malabo pa rin at wala pa ring napaparusahan sa kaso. Nauna nang hilingin ni Konsehal Christian Niño Lajara ang pagpataw ng preventive suspension sa mga opisyales na involved sa kaso. Ito ay para maiwasan ang paglilinis sa mga posibleng magamit na ebidensya na nasa pangangalaga ng iba’t ibang departamento ng lungsod. Wala pa ring napapatawan sa mga pangunahing inaakusahan ng preventive suspension hanggang sa ngayon, maliban sa isang check custodian.

Iba’t ibang sektor rin ang naglobby sa special session ng Sangguniang Panglunsod noong Abril 28 upang tugunan agad ng mga nakaupo sa puwesto ang kurapsyong nagaganap sa loob ng Pamahalaang Panglunsod. Nagkaroon ng pagpapakalat ng mga polyetos, pagbubuo ng mga alyansa laban sa kurapsyon at pag-ulan ng mga reaksyon sa internet ang mga ordinaryong mamamayan para ikalat ang mga impormasyon tungkol sa isyung ito sa publiko.

Isang kilalang personalidad naman sa Lungsod ng Calamba ang nakahanda ng mag-file ng reklamo kay Mayor Jun Chipeco at sa iba’t ibang departamento na dinaanan diumano ng mga dokumentong ginamit sa pagnanakaw sa kaban ng bayan. Naniniwala siya na dumaan sa tamang proseso ang papel at malaki ang kinalaman dito ng punung-lunsod. Isasama niya rin sa reklamo ang Bank Manager na nag-aasikaso ng mga dokumento sa mga nawalang tseke. Hindi din siya natutuwa sa mga binuong investigation committee ng punung-lunsod at sinabi pa niyang whitewash committee ang mga ito. Iba’t ibang sektor na rin ang kinakausap niya upang sumama at tumayo kasama niya bilang mga complainants sa kaso. Ito ay sa pagnanais na ang mga simpleng mamamayan ang dapat magreklamo dahil pera nila ang nilustay sa insidenteng ito. Pagkatapos mai-file ang kaso ay susundan daw ito sigurado ng mga postering at pagkilos ng mga mamamayan ng Calamba. Inaasahang magiging malakas at matibay ang maihahaing kaso ng kilalang personalidad na ito.

Hindi maitatago ang inis sa mga mamamayan sa bagal ng imbestigasyon. Hindi na papayag ang mga tao na gaya ng iba ring isyu ay malilimutan na lamang ito ng walang nananagot. Patuloy na mangyayari ang mga ganitong gawi kung patuloy lang din palalampasin ng kinauukulan. Tuloy ang paghihinala sa maduming pamamahala kung walang aaksyon at tugon. Bukas na rin sa isipan ng taumbayan na walang gagawa nito kung walang magpoprotektang nasa kapangyarihan sa mga ito. Ipinagkatiwala ng taumbayan ang pera sa pamahalaan upang gamitin at itulong sa pangangailangan nila. Subalit kung patuloy na iba ang magpapasasa sa perang pinaghirapan ng taumbayan ang mga ito, sa kabila ng libu-libong naghihirap na mamamayan, walang mangyayaring pag-asenso at inhustisya lamang ang tunay na makukuha.

Thursday, July 8, 2010

sa pag-uumpisa

Hindi ko alam kung ano ang dapat lamanin ng unang tirada ko sa blog na ito. Dapat ba itong maging personal, progresibo, tagapagbalita o anuman. Walang ideya na pumapasok sa isip kundi isa itong daan upang mailabas ko kung ano man ang mga reaksyon ko sa lipunang nakakulumpon pa rin sa "lumang pagbabago".

Hayaan niyong umpisahan ko sa pagbati ng "WELCOME" sa sarili ko sa mundo ng blogging. Maaring hindi ito ang una kong blog subalit malamang ito ang maging regular.

Hayaan niyo akong mag-umpisa sa salitang hindi tapos.

"HELL."