Tuesday, November 9, 2010

SESYONISTA: ANG PAGBABALIK

Matapos ang mahigit isang buwan ay ito at nagbabalik ang inyong sesyonista. Isang buwan rin mahigit ang dumaan mula nang magkaroon ng pampublikong sesyon ang ating mga lingkod bayan. Maikli lamang ang naging sesyon nitong Lunes subalit makabuluhan sa mga bagong isyu na binuksan.

Nagbalik na mula sa ilang buwan na pahinga si Konsehal Bong Baroro. Bago rin ang kanyang haircut. Pansin rin ang ibang kulay ng buhok ni Kon. Lian Aldabe. Si Konsehal Ruth Mariano-Hernandez naman ang tumayong Presiding Officer sa sesyon na iyon. Ito ang unang pagkakataon na hindi si Vice Mayor Binoy Lajara ang nag-preside sa session ngayon. Wala namang absent nan iba pang konsehal at kita rin naman na sinusulit na rin ni SK Jayne Rizal ang kanyang mga huling sesyon sa Sangguniang Panlungsod.

Bago mag-umpisa ang sesyon ay nagkaroon muna ng kaunting kodakan kasama ang national chess winner mula sa LCBA. Lahat naman ay game sa pagpapa-picture.Lahat naman ay nagulat at tumahimik sa malakas na pagpukpok ng gavel ni Madam Presiding Officer subalit natutunan niya rin namang pumalo ng mahinahon sa mga sumunod na pagpukpok nito.

Ilang mga Memorandum of Agreement ang binasa bilang mga resolusyon nila Konsehal Eddie Catindig at Morel Manaig. Naaprubahan na rin naman sa huling pagbasa ang resolusyon ni Konsehal Moises Morales patungkol sa pagpapalagay ng mga streeltlights sa mga Upland barangays. May karagdagang suhesityon sa resolusyong ito si Kon. Johnny Lazaro na tanggapin ang mga ibibigay na solar panel mula sa isang institusyon para higit na makatipid ang lungsod sa proyektong ito.

Iisa lang na barangay resolution mula sa Brgy. Punta ang binasa ni ABC Pres. Saturnino Lajara. Ito ay isang resolusyon upang bilihin ng lungsod ang lupang gagamitin nila para sa isang proyekton ng baranggay.

Isang sulat naman mula sa mga residente ng Brgy. San Jose ang binasa ni Kon. Manaig tungkol sa pagtutol ng mga ito sa mga ginagawang imprastraktura ng DSWD sa loob ng kanilang subdibisyon. Mabilis namang itong inirekomenda sa Social Service Chair Eddie Catindig para magkaroon ng pagpapupulong. Isang pasabog naman ang banat ni Kon. Bong Baroro sa kanyang pagbabalik. Ito ay ang pagkuwestiyon sa overstay ng ating OIC-City Treasurer Liberty Toledo at sa napakalaking overtime pay ng nasabing opisyal. Napag-alaman niyang sumuweldo ng P25,000 mula Oktubre 19-27 at P27,395 mula Sept. 19-27 para lamang sa kanyang overtime. Mabigat ang mga pagdududa ni Konsehal Baroro sa OIC-City Treasurer na totoong nag-oovertime ang nasabing opisyal. Wala rin naman daw dapat overtime pay ang nasabing opisyal. Tinawag niya ang pansin ng Department of Finance ukol sa nangyayaring overstaying ni OIC Treasurer.

Si Konsehal Moises Morales naman ay nagpasa rin ng isang resolusyon para sa unang pagbasa ukol sa Resettlement Program ng Lungsod. Siya rin ang huling nagsalita sa pamamagitan ng pagpapasa sa huling pagbasa ng ordinansa sa pag-amyenda ng General Welfare Code.

Mukhang magiging exciting pa rin ang mga isyu sa ating Sangguniang Panlungsod. Sana nga lang maging masmadalas na ang kanilang public session upang makita naman ng taumbayan na ang SP ng Calamba ay hindi patulug-tulog.

No comments:

Post a Comment