Napapadalas talaga ang banggaan ng mga punto sa regular session ng Sangguniang Panlungsod ng Calamba. Ilang lingo na rin mapapansin na nagkakaroroon na ng regular na tagisan sa salita ang ilan nating konsehal.
Wala naman masyadong pagtatalo sa pagitan ng ating mga konsehal sa mga ipinasok na mga resolusyon sa Lunes na ito. Ang pagpasok sa magkakaibang Memorandum of Agreement sa pagitan ng siyudad at ng mga pribadong institusyon ang binasa nila Konsehal Moises Morales at Santy Atienza. Marami ring pinagtibay na mga appointments na binasa naman ni Konsehal Johnny Lazaro. Halos lahat ay mga consultants ng ating Mayor sa iba’t ibang departamento. Inilagay rin muli si Dr. Aliw Aldea bilang Presidente ng City College of Calamba. Ipinasok na rin bilang resolusyon ang pag-adapt sa Executive-Legislative Agenda na si Kon. Morales ang tumayong proponent. Ang operation ng isang temporary slaughter house ang binukas rin bilang resolusyon ni Konsehal Jose Morel Manaig na pinangalawahan ng karamihan.
Si ABC President Saturnino Lajara muli ang nagbasa ng mga baranggay resolutions ngayong linggo. Ang una ay mula sa Brgy. Kay-anlog. Ito ay ang kanilang kahilingan para sa mga trak na panambak. Patuloy na lubak-lubak ang kalsada patungo sa nasabing lugar. Pangunahin nilang hangad ay makatulong sa mga estudyante sa kanilang lugar na lubos nahihirapan ng sitwasyon sa kanilang mga kalsada. Ang Brgy. Paciano Rizal naman ay magpapatupad ng ordinansa patungkol sa trapiko na nagbabawal sa mga trak na dumaan sa National Highway nang nasabing baranggay mula alas-9 ng umaga hanggang ika-pito ng gabi. May dalawang resolusyon din ang binasa na nagmula naman sa Brgy. Pansol.
Naging tahimik sa umpisa ang pagbabasa ng mga sulat at pagbibigay ng mga rekomendasyon. Inumpisahan nila Konsehal Bong Baroro na binasa ang sulat mula sa Brgy. 4 at nila Konsehal Niño Lajara at Moises Morales na nagmula naman sa Bureau of Fire Protection. Sa pamamagitan rin ni Kon. Niño Lajara ay nakapagsalita sa sesyon ang pangulo ng isang NGO upang mag-imbita sa kanilang gaganaping kumbensyon.
Sa rekomedasyon ni Konsehala Ruth Mariano-Hernandez ay in-address niya sa sekretarya ng SP ang agarang pagbibigay ng sulat sa ating punung lunsod upang i-convene ang City Health Board. Ito ay kailangan daw madaliin na para makapagplano na ang nasabing board bago pa bumigat ang mga suliranin sa kalusugan ng mamamayan. Iba naman ang ginawang paraan ni Kon. Morales patungkol sa kanyang suhestyon ng pag-convene sa City Development Board. Ipinasa niya ito bilang isang resolusyon upang maging masmatibay at may pangil. Dito nag-umpisa ang pagpapalit ng mga salita ng dalawang konsehal. Kinuwestyon ni Konsehal Hernandez ang hakbang na ito ni Kon. Morales dahil sakop daw ng executive power ang mga Board na ito, ayon sa Local Government Code. Sagot naman dito ni Kon. Morales na sa panahon ng kanyang panunungkulan noong 2004-2007 ay hindi naging epektibo ang pagsulat lamang sa ating mayor at nasasayang lamang ang budget na nakalaan sa mga body na ito. Dinagdag pa niya na dapat itong aksyunan agad at huwag nang pag-antayin ang taumbayan. Sa huli, pinayagan na rin ng Presiding Officer Binoy Lajara ang mga hakbang na ginawa ng mga nasabing konsehal. Abangan natin kung sino ang mauuna sa kanila.
Mahaba rin ang nagging pagtatalo sa ibinahaging committee report ni Konsehal Eddie Catindig. Una niyang ipinaalam ang naganap na ocular inspection ng mga konsehal sa mga residente sa tabing –riles ng Parian at sa Housing Project ng national government ng mga ito sa Brgy. Kay-anlog. Nagbaba rin siya ng mga rekomendasyon bago tuluyang palipatin ang mga tao roon. Binanggit rin niya ang muling pagbuhay sa kanyang proyektong “Serbisyo Publiko: Alay sa Kapwa” na kilala sa pagtulong sa mga yumayao nating kababayan. Binuksan niya dito ang hirap ng proseso sa pagkuha ng burial assistance ng ating mga kababayan, partikular ang mga indigent residents. Sinang-ayunan rin ito ni Konsehala Hernandez at hiniling niya kay Kon. Catindig ang pagrebyu ng ordinansa ukol rito na naipasa na noon pang nakaraang administrasyon. Ang mga ordinansa ay ang Free Funeral Service at Burial Assistance. Sa Burial Assistance ay halaga P8000 ang maaring matanggap ng ating mga kababayan. Ang Free Funeral Service naman ay ibinibigay lamang sa mga indigent citizen. Idinagdag naman ni Kon. Atienza na hindi naman talaga dapat igiit ang burial assistance dahil para lamang ito sa mga piling mamamayan.
SInabi naman ni Kon. Morales na dapat ibigay sa ating mamamayan ang para sa kanila kaya kung maaari lamang ay gagawin niyang P20,000 ang burial assistance para sa lahat ng mamamayan ng Calamba. Subalit tinawanan lamang ito ng mga kasama niya dahil maganda man ito ay lubhang imposible naman mapatupad. Umigting pa ang pagtatalo ng mga konsehal tungkol ditto kaya humiling na ng point of order sina Konsehal Bong Baroro at ABC Pres. Turne Lajara para matapos na ang usapin.
Ipinasa na rin sa huling mga pagbasa ang ordinansa sa regulasyon ng plastik at styrofoam sa lungsod na ipinasa ni Kon. Baroro. Gayundinman, iginawad na rin ang pahintulot ni Kon. Morales para sa pagpapatayo ng residential houses nh natalong gubernatorial candidate Dennis Lazaro sa loob ng ating lungsod.
Si Konsehal Christian Niño Lajara naman ang muling nagsalita sa privilege hour. Binuksan niya ang usapin sa kahalagahan ng pagkuha ng prangkisa ng SM sa ating lungsod. Binanggit niya rin na ang prangkisa ay isang pribilehiyo sa ating mga mamamayan. Binigyang diin niya dapat sundin ng nasabing establisyemento ang mga alituntuning napapaloob sa Franchise Ordinance ng lungsod. Halimbawa niya ang mga kaso mula sa Quezon City at Makati City kung saan paborable sa lungsod ang mga husga.
Sa higit isang buwan kong pagsubaybay ng regular na sesyon, nakita ko na ang mga nabubuong hidwaan pampulitika sa ilan nating konsehal. Napakaaga pa para sabihin subalit hindi maalis sa isip ko kung paano nagkakakulay eleksyon na agad ang mga sagutang ito sa ating sesyon. Hayaan na lamang muna natin silang ipagpatuloy ang bangayan pero sana naman huwag nilang kalimutan na hindi lang doon dapat matapos ang lahat. Sabi nga ng mga matatanda na walang saysay ang salita kung kulang din naman sa gawa. Sa finale naman, makikita rin nating kung saan sila titindig, para ba sa mamamayan ng Calamba o para sa sariling interes lamang.
No comments:
Post a Comment