Wednesday, September 29, 2010

SESYONISTA: ANG PAGPALAG NG INYONG SANDIGAN

Sa pangalawang sunod na linggo ay tanghaling tapat muli nagsimula ang naganap na regular session sa ating Sangguniang Panlungsod. Nagiging normal na kasi ang kalakaran ng pag-uusap muna ng pribado ng ating mga konsehal at Vice-Mayor bago bumaba at magkaroon ng pampublikong sesyon.

Unang nagsalita sa araw na iyon para maghain ng ilang memorandum of agreement para sa City Traffic Management Office (CTMO) si Konsehal Moises Morales. Sumunod naman ay ang mga resolusyon para sa Committee on City Planning and Zoning sa pamamagitan ng Chairman nito na si Kon. Jose Morel Manaig. Nabanggit niya rin ang isang resolusyon tungkol sa isang deed of donation para sa E. Barretto National High School. Si Kon. Johnny Lazaro naman ang nagbasa ng MOA n gating lungsod para sa mga SPED teachers. Binasa naman ni Konsehal Ruth Marian-Hernandez ang ordinansa para itaguyod ang P600 dagdag na monthly allowance sa ating mga Baranggay Health Workers. Para naman sa second reading, ang hazard pay ordinance ng ating mga beterinaryo ang binasa ni Konsehal Christian Niño Lajara.

Nagkaroon naman ng kaunting pagtatalo tungkol sa resolusyon ni Konsehal Santy Atienza. Ito ay tungkol sa guidelines and implementation of cooperatives livelihood program. Unang nagtanong si Kon. Hernandez kung may pagbabago bang ginawa sa nasabing resolusyon mula noong nagkaroon ng committee meeting. Sinundan naman ito ng kuwestiyon ni Konsehal Lajara kung bakit hindi ito ipasa bilang isang ordinansa para magkaroon ng pangil. Kinatigan ito ni Vice-Mayor at Presiding Officer Binoy Lajara at pagkatapos ay humiling siya sa isang recess upang mapag-usapan itong mabuti. Sa punto ng mag-amang Lajara, ito ay implementasyon ng isang programa kaya dapat itong gawing ordinansa. Uminit naman ang ulo ni Kon. Atienza nang tanungin siya ni Kon. Morales kung nandoon ba ang Legal Office ng tinalakay ito sa committee meeting. Pasigaw sinagot ni Kon. Atienza ang tanong at sinabing kailanman ay hindi naman dumalo ang mga nasa City Legal Office. Sa huli ay hinayaan na lamang ipasa ito bilang isang resolusyon at pag-usapan na lamang muli sa isa pang miting.

Wala namang binasang barangay resolution para sa araw na iyon ang ating ABC President Saturnino Lajara. Sinundan na agad ito ng pagbabasa ng mga sulat mula sa ating mga kababayan. Unang binasa ang kahilingan ng mga nakatira sa Villa de Calamba upang ibigay na sa kanila ang streetlights na kanilang hiling. Suhestiyon ni Kon. Morales na magpatawag ng pag-uusap sa pagitan ng mga residente at pamahalaang panlungsod para mapag-usapan ito. Sumunod naman ay binasa ni ABC Pres. Lajara ang liham ng kanyang mga kabaranggay kaugnay ng pagpapagawa sa kalsada sa Purok 5 ng Barangay Tulo.

Sa pamamagitan ng sulat ng Samahan ng Manggagawa ng Calamba City Hall ay hiniling nila na ibigay ang P35,000 incentive at 13th month pay para sa lahat ng regular, casual at job order employees. Agad naman itong ginawang resolusyon ni Kon. Morales at sinegundahan ng malakas ng lahat ng konsehal. Sa isang petisyon naman ni Konsehal Niño Lajara ay hiniling niya ang pagbibigay ng sampung Bangka sa Fisheries and Aquatic Resources Management Council mula sa fish pen fee fund. Mabilis naman ang pagsang-ayon ng Appropriation Chairman Morales dito at hiniling pang gawing 25 bangka ang ibigay para magamit rin sa panahon ng baha ng ating mga kababayan.

Binasa naman ni Konsehal Johnny Lazaro ang pagkilala sa Most Courteous and Polite employee n gating pamahalaang panlungsod kaugnay ng pagdiriwang ng Civil Service Commission ng kanilang ika-110 taong anibersaryo. Pinuna rin ni Kon. Morales na masyado ng puno ang ating public cemetery at nagpanukala para sa paglalagay ng expansion nito kung saan gagawin itong moderno. Halimbawa niya ang ginawa ng Mandaluyong City sa kanilang public cemetery. Binigyang-pugay niya rin ang serbisyo publiko na ginagawaa ni Konsehal Eddie Catindig para sa ating mga kababayang nawawalan ng mahal sa buhay. Isang sulat naman mula kay Atty. Rodolfo Elepaño ang binasa ni Kon. Lajara na patungkol sa usaping trapiko at jaywalking sa Crossing Area. Isang committee hearing ang ipapatawag ng Chairman ng Transportation and Utilities para tugunan ang mga suhestiyon ng kababayan nating ito.

Mainit ring pinag-usapan ang budget sa edukasyon nang basahin ni Kon. Lian Aldabe ang sulat ng Palao Daycare Center upang isaayos ang pasilidad ng kanilang paaralan.Mabilis ang pagharang ni Kon. Morales dito at tinanong sa Committee on Education Chairman kung nasaan ang daang milyong pondo para sa edukasyon. Sinabi niya ring dapat ayusin ang paggastos sa nasabing pondo dahil ang edukasyon ang pundasyon ng mga kabataan. Mabilis naman ang pagpapaliwanag ni Kon. Ladabe kasama ni Kon. Hernandez at sinabing ang mga Day Care Center ay nasa ilalim ng Social Services subalit sang-ayon rin sila sa binuksang punto ni Kon. Morales. Binuksan rin ni Kon. Morales sa kanyang committee report ang nangyaring pag-uusap para sa barangay resolution ng Brgy. Siranglupa at Canlubang para sa pagbili ng right of way nang kanilang access road. Napagkasunduan na magkaroon ng win-win situation ang magkabilang panig tungkol sa bagay na ito.

Sa pamamagitan ng privileged speech ni Konsehal Niño Lajara ay binuksan niya ang nangyayaring intimidasyon at banta sa kaniyang mga kasamang brodkaster sa radio program na Sandigan Calambeño. Ito ay matapos magpadala ng sulat si Mayor Jun Chipeco sa brodkaster sa RN 106.3 FM ukol sa naganap na interview kay Dr. Severino Vergara ukol sa P26-M Scam. Nakiusap siya na huwag pag-initan ang kanyang mga tauhan, partikular sa Sandigan News Team, dahil ginagawa lamang ng mga ito ang kanilang mga trabaho. Kinuwestiyon ni Mayor Chipeco ang hindi balanseng pagbabalita sa nasabing programa subalit binigyang pagkakataon namang sumagot ang pununglunsod sa ginawang panayam sa City Legal Counsel Atty. Alonzo. Binasa niya rin ang ipinadala nilang sulat sa Office of the City Mayor na noong pang Septyembre 15.

Maraming mga tanong ang nakalitaw maging sa ating mga konsehal kung paano ginagastos ang pondo n gating lungsod at maging ssa sariling nilang diskresyon sa pagpasa ng batas. Mas maraming tanong naman ang bumabalot sa mga isyu sa pananaw ng mga mamamayan. Kung hahayaang masikil ang malayang pamamahayag ng media ay lalo nang hindi makaraating sa taumbayan ang punto de bista ng magkakaibang panig. Karapatan ng mamamayan na malaman ang katotohanan sa likod ng mga isyu. Hayaan nating gawin ng media ang kanilang trabaho at hayaan nating itama ng mga opisyal ng pamahalaang panlungsod ang anumang puno ng mga tao.

No comments:

Post a Comment